Serial rapist na taxi driver muling umatake sa Makati

ย MULI na namang umatake ang serial rapist na taxi driver at isang 26-anyos babaeng document controller ang nabiktima ng panghoholdap at panggahasa sa Makati City nitong Linggo.

Patuloy na nagsasagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng Makati City Police kaugnay sa insidente.

Base sa ulat na tinanggap ni Makati Police chief, Senior Supt. Ernesto Barlam, sumakay ang dalaga sa puting taxi na may plakang UVJ-738 sa harapan ng Security Bank sa Ayala Avenue malapit sa Pase De Roxas dakong 4:30 a.m.

Nagpahatid ang biktima sa hindi nakilalang driver sa C-5 Water, Taguig City at sinabihang dumaan sila sa Mc Kinley Road ngunit biglang nag-iba ang ruta ng taxi at tumungo sa EDSA southbound patungong Magallanes Interchange.

Pagsapit sa lugar, naglabas ng baril ang driver at agad tinutukan ang biktima bago nagdeklara ng holdap.

Hindi pa nakontento ang suspek na kunin ang mga cellphone, cash at mahahalagang gamit, dinala ang biktima sa madilim na bahagi ng Guadalupe Cloverleaf at ipinarada ang taxi saka ginahasa ang babae.

Nang makatakas ang biktima mula sa suspek ay agad siyang nagtungo sa himpilan ng pulisya upang ireklamo ang insidente sa kabila ng trauma na inabot niya sa salarin.