Kaso ni Menorca sa CA moot and academic na
Wala nang saysay o silbi. Huli na. Para que?
Iyan ang pinakasimpleng kahulugan ng katagang “moot and academic” na madalas nating marinig sa mga talakayang legal.
Halimbawa, may matinding bali-balita noon na si FPJ ang totoong nanalong Presidente laban kay GMA. nagkadayaan lang daw dahil sa “Hello Garci.”
Pero “moot and academic” na ang pagpapaupo kay FPJ kahit nanalo pa dahil iniwan na niya tayo at sumakabilang-buhay na ang idolo ng masa.
Huli na ang lahat o “moot and academic na” ang naturang isyu.
Lumutang muli ang usaping “moot and academic” nang magharap sa Court of Appeals ang mga abodago ng sinipa ‘este’ itiniwalag na dating ministro ng Iglesia Ni Cristo na si Lowell Menorca II at mga tagapagtanggol ng liderato ng INC.
Matatandaang nagsampa ng kasong “habeas corpus” ang kapatid ni Menorca laban sa INC dahil ikinulong, itinago at idinetine umano ng Iglesia si Lowell at mga miyembro ng kaniyang pamilya.
Itinuturo raw siyang nagsiwalat ng katiwalian sa loob ng simbahan. Iginiit ng mga abogado ng INC na “moot and academic” na ang paghingi ng “habeas corpus” sa korte dahil wala naman talaga sa poder ng Iglesia at sinipa na nga nila sa simbahan si Menorca.
Hindi ba’t nagpapa-interbyu pa si Menorca dati at malayang nakagagalaw kung saan-saan?
Para que ang habeas corpus e hindi naman pala siya itinatago ng INC?
Oo nga naman, nagtatago si Menorca ngayon pero dahil sa sandamakmak na kasong libelo at adultery na kinakaharap niya ngayon, hindi dahil ilegal siyang kinukupkop ng INC.
Tama nga naman ang punto ng Iglesia.
Wala nang halaga ang paghingi ng “habeas corpus” sa Court of Appeals. Gaya ng naunang pag-dismiss ng DOJ sa lahat ng reklamong kriminal na isinampa nina Menorca noong isang taon laban sa INC, dapat na rin ibasura ang petisyon sa CA sa lalong madaling panahon.
Totoo namang “moot and academic” na ang usaping ito.
‘Pabebe’ na nga lang ang ginagawa nitong si Menorca at abogado niya sa mataas na korte.
Hindi kailangan maging abogado para maintindihan ang isyu at katotohanang ito, ‘di ba?
[divider]
