“WALA nang maysakit na itataboy ng ospital. Wala nang pamilyang mamumulubi sa pagpapagamot.”

Nabasa po natin ‘yan sa Facebook mula sa account ni Risa Hontiveros (puro S pala ang spelling ng kanyang pangalan, bakit tila may panahon na ang nababasa natin ay puro Z?).

Anyway, ang gusto lang natin sabihin, mukhang sablay na, salto pa ang sinasabing ‘yan ng babaeng kandidato.

Hindi ba’t ilang taon din siyang naging party-list representative, bakit hindi niya ginawa ‘yan?!

Kailangan pa bang mayroong lumabas na ganyang mga kaso sa media bago maisipan na mayroong malaking problema ang health services sa bansa?!

Ang tagal niyang party-list (marginal sector) representative pero parang hindi niya nakita kung ano ang tunay na problema ng marginal sector?!

Bukod sa batayang pangangailangan na pagkain, damit at kanlungan, tila isang ‘kayamanan’ sa kanila ang kakayahang makapag-aral sa mga di-senteng paaralan at makapunta sa doktor at ospital kahit man lang dalawang beses isang taon.

Ms. Hontiveros, hindi mo ba nakapa ‘yan sa marginal sector na kinatawan mo sa Kongreso nang halos ilang taon?!

Ngayon tayo nagkakaroon ng realisasyon kung bakit hindi napapalis ang mahabang ngiti sa iyong mga labi at kumikinang na mata dahil tila hindi ka naman nakakita ng kahirapan.

Kasi nga mukhang hindi mo pala talaga alam na mayroon tayong mga kababayan na natatakot pumunta sa ospital kahit buhay at kamatayan na ang pinag-uusapan dahil wala sila ni kusing sa kanilang mga bulsa.

At bilang mambabatas na mayroong sandamakmak na pork barrel ay mukhang hindi nakinabang sa iyo ang mga constituents mo?!

Wattapak!

Sino nga ang adviser ninyo Ms. Hontiveros? Si Secretary Roland Llamas?!

Aba, sabihin mo naman baguhin ang style ng iyong pangangampanya.

Kasi kung ganyan lang ang alam ninyong pambobola, aba ‘e kay Alma Moreno na ako.

‘Yun lang!

[divider]

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com