VP Jojo Binay sinungaling — Sen. Trillanes (Ebidensiya sandamakmak…)

111214 binayPINANINDIGAN daw ni Vice President Jejomar Binay ang pagsisinungaling hanggang sa political advertisement (pol ad) sa pagsasabing walang ebidensiya ang mga akusasyon ng korupsiyon na ibinabato ng kanyang mga dating opisyal sa Makati City laban sa kanya at sa buong pamilya.

Ayon  kay Senator Antonio Trillanes IV, sandamakmak ang naipon nilang ebidensiya sa kanilang imbestigasyon lalo na sa isyu ng overpricing ng Makati Parking Building, pagtatayo ng Ospital ng Makati, Makati Science High School at University of Makati.

Ang pag-aaring Hacienda Binay sa Rosario, Batangas at ang mga lote at condominium sa Makati.

Mayroon din umanong isyu sa ghost employees sa City Hall, raket sa regalong cake para sa senior citizens at ang napakamurang pagbebenta umano ng lupa sa Boy Scouts of the Philippines (BSP).

Sa kabila ng mga akusasyon at ebidensiya, hindi sinipot ni VP Binay ang mga pagdinig sa Senado para kontrahin ang mga alegasyon.

Kinuwestiyon din sa Senado na mula sa P2 milyon noong 1988, lumago umano nang hanggang 2,300 porsiyento ang kabuhayan ni Binay o P60.25 milyon hanggang 2014.

‘Yan ay nakalap umano sa  loob ng 25 pagdinig sa Senado na tinampukan ng mga testimonya mula sa iba’t ibang testigo.

Sa kasalukuyan, naghihintay ang sambayanan kung ano ang resolusyon ng Senado sa akusasyong ito kay VP Binay.

Aabangan po natin ‘yan!

[divider]

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com