HABANG himas-himas ng isang opisyal sa city hall ng Maynila ang kanyang nabubundat nang bulsa ‘este tiyan, na hindi na kayang paimpisin sa kagi-gym, ‘e mukhang hindi namamalayan ni Mayor Erap na palaki nang palaki na rin ang ‘pambubukol’ sa kanya mula sa ‘pakinabang’ sa illegal terminals d’yan sa paligid-ligid ng city hall hanggang Lawton.
Ayon sa ating unimpeachable source at insider, si City Hall official ay tumatanggap ng P.1-M as in tumataginting na isandaang libong piso linggo-linggo mula sa operator ng illegal terminal ng mga UV Express at kolorum na van.
Kaya naman pala, maligayang-maligaya si city hall official kapag may ‘parating’ at ‘padala’ ang operator ng illegal terminals d’yan sa paligid-ligid lang.
Kaya naman pala parang bahay-kubo ang ‘tanggapan’ ni illegal terminals operator.
Kung sa kantang bahay-kubo ang linya ay… “at sa paligid-ligid ay puno ng linga…”
Sa ‘tanggapan’ (ng tara) ng nasabing operator ang linya ay… “at sa paligid-ligid ay puno ng illegal terminals…”
Shrek shrek shrek (as in hik hik hik)…
Kaya huwag kang magtaka Yorme kung bakit tila nagdadalawang-isip ang nasabing city hall official kung ano ang tatakbuhan niya sa Mayo 2016.
Kasi nga naman, kapag umiba siya ng teritoryo, tiyak antimano tablado siya kay illegal terminals operator.
E isa ‘yan sa mga ‘juicy’ position na kanyang pinakaaasam-asam.
Mantakin ninyong, mga vendor, UV Express drivers at kolorum van operators ang magpupuno ng kanyang kabang yaman?!
Ay Maynila!
Kaya nga sa illegal terminal pa lang ‘sumasalok’ na nang mahilab-hilab na kabuhayan si city hall official.
O ‘di ba?!
Mayor Erap, ipasudsod mo ‘yan bago pa tuluyang maging ‘pigsa’ ‘yang pambubukol na ginagawa sa iyo ng sarili mong opisyal.
Siya lang ang maligaya at ikaw ay hindi?!
[divider]
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com