This site uses cookies for analytics and to improve your experience. By clicking Accept, you consent to our use of cookies. Learn more in our privacy policy.
PATAY ang isang doktor nang pagsasaksakin ng kanyang kapatid dahil sa pagtatalo nang hiramin ng misis ng suspek ang kotse ng biktima sa isang exclusive subdivision sa Muntinlupa City kamakalawa ng gabi.
Hindi na umabot nang buhay sa South Super Highway Medical Center sa Parañaque City ang biktimang si Dr. Joser Rabe, residente sa 518 Anonas St., Ayala Alabang Village, Brgy. Ayala, Alabang, Muntinlupa City, tinamaan ng maraming saksak sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Habang nakadetine na sa Muntinlupa City police detention cell ang suspek na si Jose Rabe Jr., under board sa medicine course, nakatira rin sa naturang lugar.
Base sa report na natanggap ni Sr. Supt. Allan Nobleza, hepe ng Muntinlupa City Police, naganap ang insidente dakong 6 p.m. sa loob ng bahay ng pamilya Rabe sa nabanggit na lugar.
Bago ang insidente, nagkaroon nang mainitang pagtatalo ang magkapatid na Joser at Jose dahil sa paghiram ng misis ng suspek sa kotse ng biktima.
Hinid binanggit kung anong kotse ang pinag-awayan ng magkapatid ngunit naniniwala ang mga kaibigan at kapitbahay na isa itong magarang modelo ng sports utility vehicle (SUV).
Sa kainitan ng pagtatalo, kumuha ng patalim ang suspek at inundayan ng saksak ang biktima.
Isinugod ang biktima sa pagamutan ngunit hindi na umabot nang buhay.
Naaresto ang suspek sa follow-up operation ng mga awtoridad.
Napag-alaman, may matagal at malalim nang alitan ang magkapatid na nakatira sa iisang bahay lamang at lalong tumindi nang magtalo dahil sa sasakyan.