This site uses cookies for analytics and to improve your experience. By clicking Accept, you consent to our use of cookies. Learn more in our privacy policy.
ISANG hinoldap at pinatay na 67-anyos taxi driver ang natagpuan ng kanyang karelyebo sa pamamagitan ng electronic global positioning system (GPS) sa Malate, Maynila, kahapon ng umaga.
Sa imbestigasyon ni SPO3 Milbert Balinggan, ng MPD Homicide Section, dakong 6:30 a.m. nang matagpuang walang buhay sa loob ng ipinapasadang KEN taxi (UYE 361) ang biktimang si Arturo Amascual, 67, ng 1855 Oro-B, Sta. Ana, Manila.
Ayon sa imbestigador, may tali sa bibig, nakabalot ng packing tape ang mukha, nakagapos ang mga kamay at paa ng biktima sa likod ng driver’s seat.
Salaysay ni Francisco Suzora, 64, karelyebo ng biktima, dakong 4 a.m. na ay hindi pa bumabalik sa kanilang garahe sa Makati City si Amascual.
Aniya, 24-oras ang kanilang palitan ng biktima kaya pagdating ng 4 a.m. ay nasa kanilang garahe na siya at naghihintay.
Dahil tanghali na, itsinek nila sa GPS device kung nasaan ang unit, natunton nila ang taxi sa kanto ng San Pascual St., at Quirino Avenue ngunit na ang biktima sa loob ng nasabing sasakyan.
Samantala, nabatid sa footage ng closed circuit television camera (CCTV) sa lugar, tatlong lalaki ang nakitang lumabas mula sa taxi ng biktima.
Pinag-aaralan na ng pulisya ang footage ng CCTV upang makabuo ng lead kaugnay sa insidente.
Leonard Basilio, may kasamang ulat ni Angelica Ballesteros