Korupsiyon ng iilan sa INC dapat tutukan ni Ka Eduardo Manalo
HIHIRAMIN natin ang sinabi ni PNoy: Maaaring hindi perpekto ang INC pero nagsisikap ang ilang mga nagmamalasakit na putulin ang korupsiyon at pang-aabuso ng iilan lalo na ‘yung sinasabing malalapit o nakalalapit sa punong minsitro.
Bilang isang mamamahayag, tayo ay nakaranas ng pangha-harass mula sa isang Ministro ng INC nang isulat natin na noong nakaraang eleksiyon ay ipinatawag ang ilang kandidatong konsehal (hindi na natin sasabihin kung saan siyudad).
Matapos sabihan na sila ang dadalhin ng INC ay nag-iwan sila ng ‘pakimkim.’
Aba ‘e nang lumabas ito sa ating kolum, pinagbantaan pa tayo ng ilan sa malalapit sa Ministro at sinulsulan pa ang mga konsuhol ‘este konsehal na idemanda tayo ng libelo?!
‘ E ang sabi nga natin, bakit hindi ‘yung mga konsehal na nagbigay ng pakimkim ang idemanda niya dahil isa sa kanila ang nagkuwento sa inyong lingkod.
Bukod diyan sa personal na karanasan na ‘yan, hindi naman maikakaila na tuwing eleksiyon, majority ng mga kandidato ay lumalapit at nakikiusap sa mga opisyal ng INC, lokal man o nasyonal.
‘Yan ay dahil sa paniniwalang, kapag ‘dinala’ sila ng INC, sila ay mananalo.
At palagay natin ay ‘yan ang sinasamantala ng iilang tiwali sa INC.
‘Yung kapag may lumalapit sa kanila.
‘Yung hindi kunwari nanghihingi pero kapag may nag-abot ‘e tatanggapin.
Kung hindi siya kikilos at lulutasin ang mga isyung gaya nito, mapapatunayan ang sinasabi ng marami na ‘HOSTAGE’ ng kanyang ‘cordon sanitaire’ si Ka Eddie Boy.
Ano po sa palagay ninyo, mga kapatid?
[divider]
