This site uses cookies for analytics and to improve your experience. By clicking Accept, you consent to our use of cookies. Learn more in our privacy policy.
MAGANDANG araw po MPD DD Chief Supt. Rolando Nana.
Tatawagin ko lang po ang inyong pansin sa inirereklamo sa inyong lingkod na garapalang operasyon ng mga ilegalista sa Parola.
Itinuturo po ng ating impormante ang isang bahay d’yan sa Barangay 20 Zone 2 na sinasabi nilang pag-aari ng isang pamilya na walang tigil ang TUPADA.
Kung noong mga unang administrasyon ay patago ang mga TUPADA, ngayon daw po ay talamak at lantaran na riyan sa Gate 1, Gate 2, at Gate 3.
Pare-pareho daw po ‘yang area na ‘yan sa ilalim ng Barangay 20, Zone 2.
Hindi lang tupada, sa bungad lang daw ng Gate 1 & Gate 2 ay kitang-kita na ang video karera cum shabuhan.
Habang sa tapat ng isang kagawad ay lantaran at talamak din ang fruit game at video ka-rera. Lahat daw po ng gate ay mayroong video karera.
Bukod sa video karera at fruit game, meron din jueteng at ang demonyo sa lahat — SHABU!
Gen. Nana Sir, humihingi po ng tulong ang mga residente sa lugar na ‘yan dahil talagang kaawa-awa raw po ang mga bata o kabataan sa nasabing komunidad.
Hindi na po tayo nagtataka kung bakit araw-araw ay mayroong itinutumba sa area na ‘yan. Malamang ‘yan ay dahil sa interes nila sa mga ilegal na gawain.
Alam nating hindi madaling linisin ang lugar na ‘yan.
Pero alam din po natin na hawak ninyo ang isang kapangyarihan o awtoridad para linisin ang lugar na ‘yan.