Katarungan para kay Mei Magsino

mei magsinoISA NA NAMANG dagok sa hanay ng mga mamamahayag ang ginawang pagpaslang kay dating Philippine Daily Inquirer correspondent Melinda “Mei” Magsino na pinagbabaril ng riding in tandem sa Brgy. Balagtas, Batangas City kamakalawa.

Isang bala sa ulo ang tumapos sa buhay ng 40-anyos na si Mei  Magsino, dati rin stringer ng TV-5 at ngayon ay nagmamay-ari umano ng massage clinic sa lungsod.

Bagamat matagal nang wala sa pamamahayag, naniniwala ang pulisya  na ang pamamaslang ay may kinalaman sa kanyang dating propesyon at trabaho.

Ayon sa pulisya, nabatid na ilang oras bago ang pamamaril, may binabanatan pa ang biktima sa kanyang Facebook account na isang lokal na opisyal sa isang bayan sa Batangas.

Kumbaga, hindi rin nanahimik si Mei sa pagsisiwalat ng nalalaman niyang mga iregularidad at katiwalain kahit sa kanyang account sa social media site (Facebook).

Sinabi ng Philippine National Police na hindi nila bibitiwan ang kasong ito hangga’t hindi  nagkakaron ng linaw. Nagsalita na rin ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) at ang College Editors’ Guild of the Philippines (CEGP) para kondenahin ang pamamaslang at nanawagan na wakasan ang kultura ng kawalang pagsasawalang-kibo sa hanay ng mga mamamahayag. Sa ngalan ng Alab ng Mamamahayag (ALAM), ang inyong lingkod ay nagpapaabot ng pakikiramay sa pamilyang naulila at pakikiisa para sa paghahangad ng kataru-ngan sa pinaslang na dating mamamahayag.

Katarungan kay Mei Magsino!