UMUSOK daw ang bumbunan ni Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) director general William Hotchkiss III dahil sa pagkawasak ng bubungan ng Tacloban Airport.
Kaya agad nag-utos na paiimbestigahan umano ng CAAP kung bakit ganyan ang kalidad ng ipina-repair na taklob ng Tacloban Airport.
Aba ‘e gumastos umano ng P150 milyones at katatapos lang i-repair ng Tacloban Airport. Kumbaga bago pa lang napakikinabangan ulit ng mga mamamayan, hayan at sira na naman?!
Ang ipinagtataka talaga natin bakit kapag pagawa ng gobyerno madaling mawasak?!
Gaya na lang ng bunk houses. Grabe ang pagkawasak.
Bakit naman ‘yung ipinagawang bunkhouses ng mga non-governmental organizations (NGOs), buong-buo pa rin?
Tsk tsk tsk …
Bakit kaya hindi na lang makipag-ugnayan ang pamahalaan sa mga NGO na mayroong mahuhusay na track record at sa kanila na lang ipamahala ang pagpapakontrata sa mga pagawaing ‘yan.
Palagay natin, mas titino ang mga serbisyong gaya niyan para sa mamamayan kung ipamamahala sa mga NGO na may mahuhusay na records.
Suhestiyon lang po ‘yan!