ni TIMMY BASIL
ISA sa bagong character na mapapanood sa pagpapatuloy ng telesereyeng Ikaw Lamang (na ayaw ipatawag ng mga director na Book 2) ay ang character ni Mylene Dizon, isang chief of staff ng isang senador.
Actually, ang senador na tinutukoy ko ay si Franco, ang role ni Jake Cuenca at nang tumanda ay si Boyet de Leon ang gumanap at ‘yun nga, naging senador pa ang loko, hehehehe.
Sa ginanap na presscon ng Ikaw Lamang, hindi masyadong natanong ng press si Mylene tungkol sa kanyang role, basta ang alam ko, isa siya sa magpapahirap kay Kim Chui (sa bagong character nitong si Andrea).
Habang tinitipa ko ang kulom kong ito, bigla kong naalala kung anong klaseng chief of staff si Mylene, siya kaya ay mala-Gigi Reyes(chief of staff ni Sen.Juan Ponce Enrile)?
Ewan ko ba, bakit kaya kapag sa presscon parang hindi gumagana ang utak ko, pero kapag nagde-deadline na roon naman pumapasok ang mga anggulo na puwede sanang itanong sa mismong artista. Hay, ambot !
Anyway, masuwerte si Mylene dahil katatapos pa lang ng
Mirabella na isa siya sa nagpahirap sa bidang si Julia Barretto and now, naunahan pa niya si Julia na magkaroon ng panibagong show, hehehehe.
Isa rin si Mylene sa mga artistang tila hindi tumatanda at hindi tumataba. Ang sexy pa rin ni Mylene at ang pinaka-importante, habang tumatagal ay lalo siyang humuhusay sa pag-arte.
ANAK NI BOYET NA SI MIGUEL, MAHILIG MAGBISIKLETA
BILIB ako sa ipinapakitang propesyonalismo ni Boyet de Leon.
Napaka-valid ang reason niya at puwedeng hindi muna siya umuwi ng Pilipinas dahil hanggang ngayon ay nasa ICU pa rin ang kanyang anak na si Miguel na inoperahan ang tumor sa kanyang testicle. Kumbaga, it’s a matter of life and death situation.
Pero nanaig ang pagiging professional ni Boyet, iniwan ang anak na may sakit (although nagpa-iwan naman si Sandy Andolong) kaya nakadalo si Boyet sa presscon ng Ikaw Lamang na siya ang gumanap na Franco (Jake Cuenca) sa pagpapatuloy ng teleseryeng Ikaw Lamang.
Ayaw mang iwanan ni Boyet ang anak sa ganoong kalagayan pero kailangang tuparin niya ang mga commitment sa Pilipinas lalo sa Ikaw Lamang.
Isang sportsman daw ang anak niyang si Miguel, isang cyclist to be exact.
Hindi naman sinabi ni Boyet na sa pagbibisikleta nakuha ni Miguel ang karamdaman pero ang sabi raw ng mga doctor na gumamot kay Miguel ay, curable ang naturang sakit.
Bukod kay Sandy ay naroon din si Pinky (ang nakatatandang kapatid ni Boyet) para magbantay din kay Miguel sa ospital.