PARATING na ang malaking pagbabago ngayong Agosto sa top-rating “master teleserye” ng ABS-CBN na Ikaw Lamang sa pagpasok ng mga bagong karakter na bibigyang buhay ng ilan sa pinakamahuhusay na aktor sa bansa.
Matapos gampanan ang mga karakter nina Samuel at Isabelle, ipagpapatuloy ng grand slam Best Actor of the Year na si Coco Martin at 2014 Yahoo! Actress and Celebrity of the Year Kim Chiu ang kuwento ng Ikaw Lamang bilang ang susunod na henerasyon ng pamilya Hidalgo at Severino na sina Gabriel at Andrea. Makakasama nila ang 2014 FAMAS Best Actress na si KC Concepcion, na gaganap bilang ang nakatatandang kapatid ni Andrea na si Natalia.
Tampok naman sa Ikaw Lamang simula ngayong Agosto ang seasoned actors na sina Amy Austria bilang Isabelle, Joel Torre bilang Samuel, Rio Locsin bilang Lupe, Nonie Buencamino bilang Calixto, at Christopher de Leon bilang Franco.

Kabilang din sa bagong cast members sina Smokey Manaloto, Arlene Muhlach, Jojit Lorenzo, Alora Sasam, at Mylene Dizon.
Mula nang umere noong Marso, gabi-gabi nang namamayagpag ang Ikaw Lamang sa national TV ratings dahil sa nakakikilig na istorya ng pagmamahalan nina Samuel at Isabelle. Mabibigyang katuparan na ba sa kasalukuyan ang pag-ibig na hinadlangan ng nakaraan?
Mula sa direksiyon nina Malu Sevilla, Manny Palo, at Avel Sunpongco, ang Ikaw Lamang ay ang “master teleserye” ng ABS-CBN at isa sa mga obra ng Dreamscape Entertainment Television.
reg
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com