Saturday , April 27 2024

Mahirap kumuha ng Senior Citizen card sa Kyusi

MAHIRAP palang kumuha ng senior citizen card sa Quezon City. Ito ang aking naranasan kahapon matapos kong puntahan ang Office of Senior Citizens’ Affairs (OSCA) ng Quezon City Hall sa Elliptical Road.

Sapagkat ipinagdiwang ko ang aking ika-60 taong kaarawan noong Abril 3, minarapat kong matamasa ang mga biyaya ng isang senior citizen. Gantimpala ko ito sa aking sarili. Mukhang walang malinaw na sistema sa OSCA. Apat na kabataan (nasa edad 19-20 anyos) ang nasa bukana ng opisina ng OSCA.

Nagmistula silang mga asong doberman at mukhang sila ang naatasang humarap sa mga aplikante. Hindi pinapayagang nakapapasok ang mga aplikante sa mismong opisina ng OSCA hanggang hindi sila dumaraan sa apat na kabataan. Dalawa sa kanila ang humarap sa akin. Inihatag ko ang aking mga dalang papeles. Dinala ng isang kabatang lalaki ang sipi ng aking birth certificate upang ipakita ito sa kung sinong tao sa loob ng opisina. Nanatili ako sa labas. Samantala, tiningnan ng isang kabataang babae na nangangalang Mae Notario ang aking mga lumang passport. Reglamento ng OSCA ang pagpapakita ng mga aplikante ilang dokumento o katibayang mapagkikilanlan.

Kasama na rito ang BIR TIN, bago at lumang passport, driver’s license, SSS card, at iba pa. Dala ko rin ang mga papeles na ito bagaman nasa wallet ko ang mga ibang ID. Bumalik ang kabataang lalaki at nagsabing hindi puede sapagkat hindi umano nakasaad sa aking birth certificate na residente ako ng Quezon City. Gayondin ang tinuran ng kabataang babae. Hindi raw puede ang lumang passport. Samakatuwid, kinakailangan ko pang bumalik uli at suungin ang init ng panahon upang ganap na maibigay ang hindi ko maintindihang mga requirement. Ipinaliwanag ko sa batang lalaki (hindi ko nakuha ang pangalan niya) na inisyu ang birth certificate ko 60 taon na ang nakararaan. Samakatuwid, ang address ng mga magulang ko, sa Kalookan City na nakasulat doon.

Kailangan Quezon City ang nakasaad doon, aniya. Hindi ganap na naiintindihan ng bata ang kanyang gawain. Lumabas sa opisina ang isang matanda at matabang babae na nagsabing kailangan Quezon City ang nakasaad sa aking mga dokumento. Nang mangangatwiran ako, hindi siya nakinig at padabog na isinara ang pinto. Baby umano ang kanyang pangalan. Hindi ibinigay ang kaniyang apelyido. Ipinaliwanag rin ng batang babae na hindi puedeng ang lumang passport na walang nakasulat na address ng Quezon City. Sabi ko, matagal akong natira sa Maynila at napalipat lamang ako sa Quezon City. Ngunit may ibang mga ID ako roon na nakasaad na Quezon City ang nakasaad ng tirahan. Hindi naman niya hinanap ang mga iyon.

Upang mabigyang-diin na hindi nila naiintindihan ang kanilang pinagsasabi, pilit ko siyang inanyayahan na tingnan ang nakasulat na reglamento sa labas. Pilit ko rin kinuha ang kani-kanilang pangalan upang maghatag ng reklamo laban sa kanilang pag-aasal sa gawain.

Sapagkat hindi sanay sa pakikipag-usap ang batang babae, inakala niya na hinatak ko siya palabas. Mabilis na nagsumbong ang isang batang lalaki sa mga empleyado sa OSCA.

Matindi kong pinanindigan na mali ang kanilang mga asal at sistema. Tahasan kong sinabi sa kanila na ang mga empleyado mismo ang dapat humaharap sa mga aplikante at hindi ang mga kabataan na kalaunan ay nalaman kong mga on the job-trainees (OJT). Pinanindigan ko rin na hindi tamang sistema ang walang access ang mga aplikante sa mga empleyado ng OSCA at kailangan dumaan sa mga kabataang OJT. Tahasan ko rin sinabi na may dala akong ibang dokumentong mapagkikilanlan at kung hinanap sa akin iyon, buong lugod kong ipakikita. Pinanindigan ko rin na hindi niya binigyan ng tamang briefing ang mga kabataang nasa bukana ng OSCA.

Nang nakita nila ang punto de bista ko, inanyayahan nila ako sa loob ng opisina at nakausap ko ang pinuno ng Complaints’ Desk na si Rene Altuna. Humarap rin sa akin si Ms. Coloma na agad ipinaproseso ang aking senior citizen card. Matapos ang ‘di pagkakaunawaan, nakuha ko ang senior citizen card.

Ngunit hindi naaalis sa aking kalooban ang ilang agam-agam. Paano na ang ibang senior citizen na aplikante na hindi masyadong nag-aral at walang kakayahang mangatwiran.

Nakuha ko ang gusto ko ngunit ito ay sapagkat ako ay nakapag-aral at alam ko ang mga karapatan ko. Paano ang mga ibang tao? Paano na ito, Mayor Herbert?

ni Philip M. Lustre Jr.

About Philip M. Lustre Jr.

Check Also

Christina Frasco love the philippines DoT Tourism

P150-B kita ng PH mula sa 2-M turistang nagpunta sa bansa

UMAABOT na sa mahigit sa 2,000,000 ang pumasok na dayuhan sa ating bansa upang kumita …

SM 100 Days of Caring fishermen 2

Sa Pasay City
SEKTOR NG PANGINGISDA MAS PINALAKAS NG LGU

MISMONG si Pasay City Mayor Emi Calixto – Rubiano ang nanguna upang higit pang palakasin …

electricity meralco

14,016 megawatts power demand sa Luzon grid naitala ng DOE

UMABOT sa 14,016 megawatts ang kasalukuyang power peak demand ng Luzon grid ngayong araw dahil …

‘Diploma mill’ sa Cagayan ipinasisiyasat ni Gatchalian

MAGHAHAIN si Senador Win Gatchalian ng resolusyon upang imbestigahan ng Senado ang mga ulat na …

Money Bagman

Pautang ng mga banko sa maliliit na kompanya dapat segurado – Jinggoy

ISINUSULONG ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang pagsasabatas ng paglalaan ng mga banko ng 10% …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *