Briton ninakawan ng syotang Pinay

INIREKLAMO  sa Manila Police District-General Assignment Section (MPD-GAS) ng British national ang kanyang Pinay girlfriend nang tangayin ang kanyang mamahaling gamit at pera sa tinutuluyang hotel sa Maynila.

Sa reklamo ni  Michael Stevenson Peter, 67, tubong England,  pansamantalang nanunuluyan sa Room 502 ng Orange Nest Hotel, 1814 San Marcelino St., Malate,  anim beses na siyang pinagnakawan ng girlfriend  na si Angela Joy Lopez, 27, ng National Highway, Olongapo City.

Nitong huling pangyayari, tinangay ni Lopez ang kanyang 600 British pounds bago umalis at nagpaalam na uuwi sa Olongapo.

Nabatid na apat na taon na niyang karelasyon ang Pinay  at dumating siya sa bansa  nitong Abril 21 para dalawin ang kasintahan.

Dahil sa pagkadesmaya, sinabi ng dayuhan na hindi na siya babalik sa bansa pagkatapos maisampa ang reklamo laban sa nobya.

(LEONARD BASILIO)