Saturday , October 16 2021
BIR Money Pharmally

P2-B hindi idineklara ng Pharmally sa ITR

HALOS P2 bilyon ang nabigong ideklara ng Pharmaly Pharmaceutical Corporation sa kanilang income tax report (ITR).

Ito ang nabunyag sa pagtatanong ni Senador Imee Marco, sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa kontrobersiyal na pondong ipinambili ng face shields, facemasks at iba pang personal protection equipment (PPE).

Batay sa dokumentong isinumite ng Pharmally sa Senado, lumalabas na tanging P7 bilyong kinita sa mga proyektong ipinasok sa pamahalaan ang kanilang idineklara sa kanilang ITR.

Aniya, taliwas sa deklarasyon ng Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) ang nakuha nilang kabuuang halaga ng proyekto ay mahigit sa P9 bilyon.

Sinabi ni Marcos, ang pabago-bagong isinusumiteng mga dokumento at binabanggit na mga numero ay nagdudulot ng pagkalito maging sa kanilang mga senador.

Nais ni Marcos na isumite talaga ang kabuuang paper trail ng transaksiyon ng kompanya sa pamahalaan lalo sa mga buwis na dapat bayaran.

Gusto rin malaman ni Marcos ang kabuuang binayarang custom tax ng kompanya dahil mali ang impormasyong nasa kanila taliwas sa pahayag ng Bureau of Customs (BoC). (NIÑO ACLAN) 

Kahit walang produkto
INSPECTION REPORT GINAWA NG PS-DBM

INAMIN ng  inspector ng PS-DBM na gumawa sila ng dalawang inspection report kahit wala pang produkto o item na natatanggap ang pamahalaan para matiyak ng Chinese supplier na mababayaran sila ng pamahalaan.

Ginawa ang pag-amin ng dating Officer-In-Charge ng Inspection Division ng PS-BDM na si George Mendoza sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado.

Ayon kay Mendoza, gumawa siya ng dalawang inspection report noong Marso ng nakalipas na taon kahit hindi pa naide-deliver, nakikita, at talagang wala pa ang produkto o item sa “possession” ng pamahalaan.

Ngunit sinabi ni Mendoza, gumawa siya nito matapos ang meeting at utos ng nagngangalang Atty. Catalan mula sa DBM.

Ayon kay Mendoza, sinabi ni Catalan na ang utos ay mula sa ‘management’ bagay na hindi na niya inusisa kung sino at ano ang puwesto.

Dagdag ni Mendoza, ipinaliwanag sa kanya ni Catalan na gagamitin ito bilang attachment para matiyak ng kompanya mula sa China na mababayaran ng pamahalaan ang produktong kanilang isu-supply.

Kinompirma ni dating PS-DBM undersecretary Lloyd Lao, nangyari ang naturang insidente.

Ngunit, ang naturang items o produkto ay dumating sa ating bansa mula sa China.

Sinabi ni Lao, ito ay isang madaliang transaksiyon dahil kinakailangan ng bansa ang mga kagamitan bilang panlaban ng frontliners sa CoVid-19.

Magugunitang inamin ni Secretary Carlito Galvez, Jr., ginamit ang C-130 at ang isang sasakyang pandagat ng Philippine Navy para madala sa bansa ang mga item mula sa China.

Katuwiran nina Lao at Galvez, mahigpit ang lahat ng entry at out sa iba’t ibang airport at pantalan dahil sa lockdown kung kaya’t nagamit ang mga sasakyan at kagamitan ng bansa. (NIÑO ACLAN)

YANG KOMPIRMADONG NAGPONDO SA PHARMALLY

SINABI ni Pharmally Pharmaceutical Corporation Director Linconn Ong, tatlong beses tumulong si dating Presidential Adviser Michael Yang para pondohan ang kanilang transaksiyon sa pamahalaan, partikular ang pagbili ng test kits, facemasks, face shields at personal protection equipment (PPE).

Kabilang sa mga tinukoy ni Ong ang mga transaksiyong nagkakahalaga ng P3.82 bilyon, P2.87 bilyon at ang P600 milyon.

Ayon kay Ong, hiningi nila ang tulong ni Yang para matiyak na kanilang maide-deliver sa pamahalaan ang mga produkto.

Aminado si Ong, siya mismo ang personal na lumapit at humingi ng tulong kay Yang para sa pondo.

Ayon kay Pharmally President  Huang Tzu Yen, si Ong ang nakaaalam ng transaksiyon at usapan sa pagitan ni Yang at ng kanilang kompanya. (NIÑO ACLAN)

KLIYENTE NI FORTUN ‘NO SHOW’ SA SENADO

BIGONG makadalo sa ika-anim na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee si dating Presidential Adviser Michael Yang dahil sa alta presyon ayon sa kanyang abogadong si Atty. Raymund Fortun.

        Ayon Fortun, nakatakda silang magkita ng kanyang  kliyente para humarap sa pagdinig ngunit nag-text sa kanya at sinabing sumama ang kanyang pakiramadam.

Agad umanong nagpakonsulta sa doktor ang kanyang kliyente para malaman ang kondisyong pangkalausugan.

Ani Fortun, pinayohan si Yang ng kanyang doktor na magpahinga ng limang araw dahil sa kanyang hypertension.

Ipinakilala ni Fortun ang sumuring doktor kay Yang na isang Dr. Jenny Abtuon, nakabase sa Davao City.

Ani Fortun, isusumite ang medical certificate ni Yang upang mapatunayan na sumama ang kanyang pakiramdam at nasuri ng isang manggagamot.

Tiniyak ng abogado, sa sandaling makausap niya ang kanyang kliyente at matukoy na kaya nang humarap sa pagdinig, kahit hindi pa natatapos ang limang araw na pahinga ay kanyang hihikayating humarap sa Senado. (NIÑO ACLAN) 

About Niño Aclan

Check Also

1,000 benepisaryo ng “Cash For Work” tumanggap ng 4k (Sa Parañaque City)

AABOT sa 1,000 displaced workers mula sa iba’t ibang barangay sa District 1 ng Parañaque …

shabu drug arrest

Live-in partners, isa pa timbog sa buy-bust

SWAK sa kulungan ang live-in partners at isa pa sa isinagawang buy bust operation ng …

Ilegal na troso nasamsam sa Bulacan

NAKOMPISKA ng mga awtoridad ang mga ilegal na troso mula sa apat katao sa isinagawang …

9 tulak, 2 pugante deretso sa hoyo (Sa 24-oras police ops sa Bulacan)

SUNOD-SUNOD na pinagdadampot ang siyam na hinihinalang tulak ng ilegal na droga at dalawang pugante …

2 tulak sa Nueva Ecija todas sa buy bust ops (Pumalag, nanlaban)

TUMIMBUWANG ang dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga nang makipagbarilan sa pulisya sa ikinasang …

Leave a Reply