Nakasungkit muli ng isang tampok na pakarera ang hineteng si Pao Guce sa ibabaw ng kabayong si Silver Sword sa naganap na 2nd Pasay “The Travel City” Cup nitong nagdaang weekend sa pista ng Metro Turf sa Malvar-Tanauan City, Batangas.
Sa unang tatlong kuwartos ay hindi naging alintana kay Pao kahit pa may ilang kalaban ang nagtangkang lumapit at makapantay man lang sa kanila sa harapan dahil bukod sa kabisado na niya si Silver Sword ay nasa hustong kundisyon pa si kabayo. Hanggang sa pagsungaw sa rektahan nang hingan na ni Pao ang kanyang dala ay lalo pa silang lumayo sa mga kalaban bago dumating sa meta. Naorasan si Silver Sword ng matulin na tiyempong 1:37.2 (25-22’-23-27) para sa distansyang 1,600 meters.
Iba ang dalang suwerte ni Pao ngayong buwan ng Disyembre at harinawa’y maka-grandslam siya ngayong darating na Linggo sa pista ng SLLP na kung saan ay lalargahan na ang pinaka-aabangang 2015 PHILRACOM “Juvenile Championship” sa ibabaw ng kabayong si Subterranean River. Congrats at Goodluck sa iyo Pao.
REKTA – Fred Magno