NAGULAT naman ako sa balitang ito.
Ibig sabihin limang milyon at limandaang libong voter’s ID ang hindi pa umano kinukuha ng mga may-ari nito.
Hindi nga?!
‘E bakit ‘yung higit pa sa limang milyong botante hanggang ngayon wala pang voter’s ID, kabilang na po ang inyong lingkod.
Ilang eleksiyon na ba akong bumoboto pero walang voter’s ID?!
Ilang taon bang nanungkulan si dating Commission on Election (Comelec) Charman Sixtong ‘este Sixto Brillantes at bakit hindi natutukan ‘yang pagtitiyak na ang bawat botante ay mabibigyan ng voter’s ID?
Isa pa naman ‘yan sa kinikilalang ID sa iba’t ibang transaksiyones dito sa ating bansa.
‘Yang voter’s ID bukod sa postal ID na biglang tumaas ang presyo ‘e hinahanap ng mga kababayan nating walang regular na trabaho dahil ‘yan lang ang mga ID na pwede nilang ipresenta.
Sabi ni Comelec spokesperson James ‘boladas’ Jimenez, libre lang daw ‘yang voter’s ID pero nagtataka siya kung bakit hindi kinukuha ng mga may-ari.
What the fact!?
Marami umano sa mga unclaimed voter’s ID ay mula sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal and Quezon) na may kabuuang 1,018,693, kasunod ang Metro Manila — 878,192.
Habang ang nai-release daw sa mga botante ay 13,256,588 voters’ ID.
Meron din umanong withheld na 2,730,976 voter’s ID cards dahil sa deactivation, cancellation at transfer of registration, at correction of entries.
Hindi na rin daw ipinoproseso ang mga ID sa barangay dahil, hindi ibinibigay ng mga kinauukulan sa mga botante lalo na kung hindi nila ‘kaibigan’ ang may-ari ng voter’s ID.
Gusto nating itanong, ano ba ang pagkakaiba ng may voter’s ID at walang voter’s ID, kung pareho namang nakaboboto tuwing eleksiyon?!
Magkano ang inilaang budget sa pag-iimprenta ng mga voter’s ID na ‘yan?! Aba ‘e sayang lang ang inilaan na budget d’yan kung hindi naman pala pagsisikapan na maipamahagi sa mga may-ari.
Unsolicited advice lang, mas mabuti pa sigurong sirain o sunugin na ‘yang unclaimed voter’s ID na ‘yan kaysa magamit pa sa hindi magandang layunin at intensiyon.
Lalo na ngayong nalalapit na naman 2016 elections.
Sirain na lang kaya ‘yan, agad-agad na!?
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com