ARESTADO ang isang lalaking itinuturong gumahasa sa isang 22-anyos babae nang malasing sa inoman nitong Linggo sa San Rafael, Bulacan.
Kinilala ni Bulacan Police Provincial Office Director, Senior Supt. Ferdinand Divina, ang suspek na si Mike Angelo Mendoza, 28, may-asawa, at residente ng Buwisan street, Baliwag.
Ayon kay Divina, ang suspek ay positibong kinilala ng biktimang si ‘Jenny,’ residente ng Brgy. Tangos, Baliwag, na pwersahang nagdala sa kanya sa isang motel sa naturang bayan at siya ay ginahasa.
Ayon sa ulat, naganap ang insidente nang malasing ang biktima habang nakikipag-inoman sa bahay ng isang Danilo Mendoza sa Brgy. Libis, San Rafael.
Nang malasing ang biktima, pinakiusapan niya ang suspek na ihatid siya sa kanilang bahay ngunit dinala siya sa Aries Lodge sa Brgy. Sabang at doon ginahasa.
Naaresto sa kanyang bahay ang suspek ng mga awtoridad sa pangunguna ni Senior Inspector Diosdado Leal.
Nilalapatan ng lunas ang biktima sa Bulacan Provincial Hospital dahil sa patuloy na pagdurugo ng ari habang ang suspek na nakakulong sa Baliwag Police jail ay nakatakdang sampahan ng kasong rape.
Micka Bautista