NOONG Martes, isiniwalat ng pitak na ito ang mga ‘pergalan’ (perya na may halong sugalan) sa Cavite.
Ang mga ilegal na sugal dito ay tinatawag na “colored game” at “drop balls.” Sa karamihan ng nagpapatakbo ng mga pergalan sa probinsiya, isang Tessie Rosales ang tinaguriang “Reyna ng Pergalan” dahil hindi lang sa Cavite kumikilos ang galamay ng kanyang operasyon. Umaabot ito hanggang sa Batangas at Quezon.
Sa Quezon, halos lahat ng pergalan ay pag-aari ni Tessie: Sa Lusacan, Tiaong, Sariaya, Tayabas, Mauban, at sa Barangay Cotta sa mismong siyudad ng Lucena.
Sa Batangas naman, si Tessie ay may “puesto pijo” (pasugalang nananatili kahit wala na ang perya) sa tabi ng Andok’s sa Batangas City. Meron din siyang mga puwesto sa Lemery, Rosario, Taysan, Padre Garcia, sa Barangay Quezon at Barangay San Luis na pawang nasa Lipa City; Barangay Magapi sa Balete at Barangay San Roque sa Santo Tomas.
Ginagamit umano ni Tessie ang isang pulis na may alyas Valera ng Criminal Investigation and Detection Group na kolektor para sa isang opisyal ng Batangas police.
Ayon sa mga residente na nakapanayam ng Firing Line, parang kabute raw na nagsulputan ang mga pergalan sa Batangas at karamihan ay pag-aari ni Tessie.
Marahil ang pergalan lang sa Barangay Darasa, Tanauan City ang hindi pag-aari ni Tessie.
Ayon sa mga espiya, si alyas ‘Boknoy’ ang may-ari nito. Alam kaya ni Batangas Governor Vilma Santos-Recto ang ganitong negosyo ni Tessie na nagmamalaking kumare raw niya si Ate Vi?
***
Tila malakas ang koneksiyon nitong si Tessie dahil bukod sa mga puwesto niya, balak pa raw niyang magbukas ng pergalan sa Mataas Na Kahoy sa Batangas.
Ayon din sa mga espiya, balak pa raw ni Tessie na pasukin ang Laguna. Kasalukuyan daw nitong inaayos na magkaroon ng puesto pijo sa loob ng palengke sa Biñan.
Parehong-pareho ito ng set-up sa palengke ng Silang, Cavite.
***
Maliban kay Tessie, mangilan-ngilan din ang nag-o-operate ng pergalan sa Cavite.
Sila ay sina Emily, na may puwesto sa tabi ng isang fast food chain sa Bacoor-Zapote; Egay sa EPZA sa Rosario; “Jessica” sa palengke ng Tanza; at Baby Panganiban sa GMA, Cavite.
Tila may basbas ang pulisya rito dahil mayroong isang “Sarhento Marlon” na inuutusan ang isang “Landong Bulag” para mangolekta ng “tong” hindi lamang sa mga pergalan, pati na rin daw sa mga operator ng sakla at lotteng sa lalawigan.
Dapat lang siguro na ipatigil na ni Senior Superintendent Joselito T. Esquivel, Jr., Cavite police director, ang mga ilegal na negosyo gaya nito.
Dapat lang din sigurong sibakin niya ang mga hepe ng pulis sa Bacoor, Rosario, Tanza, GMA at Silang kung hindi nila kayang linisin ang kani-kanilang teritoryo!
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
ni Robert B. Roque, Jr.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com
