INAKUSAHANG nanghalay ang isang Emirati police official ng isang Filipina noong Mayo sa United Arab Emirates (UAE).
Base sa ulat ng Khaleej Times, 20-anyos lamang ang opisyal na pulis na nanghalay sa Filipina.
Sa rekord ng korte, namataan ng pulis ang 41-anyos Filipina na nag-aabang ng sasakyan sa Al Warga. Kanyang hinintuan at inalok na sumakay na pinaunlakan ng biktima nang magpakita ng kanyang police ID.
Nang makuha ang tiwala,dinala ng akusado ang sasakyan sa madilim na bahagi ng Al Warga malapit sa isang construction site kung saan niya hinalay ang biktima.
Kahit nagmakaawa ang biktima at sinabing siya ay matanda na at may mga anak, nagpatuloy sa maitim na balak ang akusado.
Pagkaraan ay inihatid ng akusado ang biktima sa bus stop sa Al Warga at nagbilin na huwag sasabihin kanino man ang insidente.
Samantala, isang police corporal ang nakakita sa kotseng minamaneho ng akusado at nakuha ang plaka nito.
Inihayag sa korte ng naturang corporal na batid niya na ang naturang plaka ay inarkila ng akusado sa isang rental agency.
Nang maaresto noong Mayo 12 ay umamin ang akusado sa panggagahasa.
(JAJA GARCIA)