Monday , December 23 2024

Berdugong SJDM barangay chairwoman

00 Bulabugin jerry yap jsyHINDI natin akalain na ang isang chairwoman na mayroong mala-anghel na mukha ay maging sanhi ng kamatayan ng isa sa kanyang constituent dahil lamang sa isang kapirasong yero.

Pero mali po ang ating akala, dahil nangyari nga na umaktong tila ‘HUKOM’ si Barangay Poblacion I Chairwoman Laarni Contreras laban sa kanyang constituent na inakusahan niyang nagnakaw ng yero kahit walang complainant.

Ang HATOL o PARUSA na ipinataw ni Chairwoman Contreras sa kanyang constituents na sina Abundio Baltazar, 46 anyos; at Edgardo Villano, 45 anyos; ay painumin ng 10 bote ng gin.

Pero hindi kinaya nina Baltazar at Villano na ubusin ang 10 bote ng gin. Kaya sa ikalawang boteng gin ni Baltazar at dalawa’t kalahati naman ni Villano, kapwa sila nahandusay at nakatulog sa papag na nasa gilid ng barangay.

Mistulang bangkay na walang buhay ang dalawa at pinapak ng lamok at langaw bago pa nakuha ng kani-kanilang pamilya.

Dahil gabi na pero hindi pa rin nagigising si Baltazar, minabuti ng kanyang mga kaanak na dalhin na siya sa ospital.

Kinabukasan, Hulyo 17, nagising si Baltazar pero balisa at maligalig na pabalik-balik sa comfort room.

Lingid sa kaalaman ng kanyang bantay, mayroon nang sumabog na ugat sa puso ni Baltazar. Dakong 12:30 a.m. binawian na ng buhay ang biktima.

Inihain na ng pulisya ng San Jose del Monte (SJDM) City Police Station sa piskalya ang kasong homicide laban sa barangay chairwoman Laarni Contreras, mga barangay kagawad na sina Roy Vincent Española at Rey Media, tanod chief Henry Malincon  at tanod Ruben San Diego.

Si Contreras at ang apat na opisyal ng barangay ang itinuturing nagparusa at sapilitang nagpainom ng 10 bote ng gin (Ginebra San Miguel) sa dalawang constituent, na ikinamatay ng isa, dahil sa napulot na kapirasong yero nitong kasagsagan ng bagyong Glenda sa lungsod na ito sa Bulacan.

Dakong 11 am, noong Hunyo 16, habang iniaalok nina Baltazar at Villano ang kapirasong yero sa isang kapitbahay, kinaon sila nina barangay kagawad Rey Medina at Roy Vincent “Clinton” Española para imbitahan sa Barangay Hall dahil isinuplong sila ng isang alyas Palab na ‘nagnakaw’ umano ng yero.

Dahil wala naman kasalanan, mapayapang sumama sina Abundio at Villano sa dalawang barangay kagawad sa barangay hall.

Pagdating doon, isinailalim sila sa interogasyon ng barangay chairwoman na si Contreras, kung bakit nila ipinagbibili ang kapirasong yero na ayon sa dalawa ay napulot nila.

Nang isagot ng dalawa na ipambibili nila ng gin, agad inutusan ng chairwoman na bumili ng 10 gin ang chief tanod na si Malincon at isang tanod na si San Diego.

Habang binilinan ni Contreras sina Abundio at Villano na huwag aalis dahil ‘wala pang complainant.’

Pagdating ng 10 bote ng gin, agad inutusan ni Contreras si Malincon at San Diego na bigyan ng tig-isang bote ng gin ang dalawa at ipaubos sa kanila.

“Ubusin n’yo ‘yan, huwag kayong uuwi hangga’t hindi ninyo nauubos ‘yan,” utos ni Contreras sa dalawa.

Walang nagawa ang dalawa kundi sundin ang utos ni Contreras dahil ayaw na nilang maulit ang kalupitang naranasan nila noong Disyembre 2012, na sila ay pinainom ng isang alak na long neck, na may mukha ng isang politiko na sinabing ‘karelasyon’ ng chairwoman.

Hindi pa umano barangay chairwoman si Contreras nang panahon na iyon.

Pagkatapos ipaubos ang long neck, binugbog sila ng politikong karelasyon ni Contreras. Hindi umano sila makapanlaban dahil nakabantay ang mga bodyguard ng politiko na pawang nakasukbit ng baril sa bewang.

Kaya nang utusan sila ng chairwoman na uminom ng gin sa pagkakataong iyon, sumunod sila sa takot na bugbugin silang muli.

Uminom ng purong gin ang dalawa kahit hindi pa nakapanananghalian, walang chaser na tubig at nagtiyagang mamulutan ng Kamias.

Dakong 3pm nang araw na iyon, nakitang naka-gulapay sa papag na nasa gilid ng barangay hall ang dalawa, walang malay at nilalangaw.

Kakaiba ka pala Chairwoman Laarni Contreras. Kung ano man ang rason ni Contreras kung bakit lagi nilang pinag-iinitan sina Baltazar at Villano, sila lang ang nakaaalam.

Pero ang malinaw, may nilabag na kairalan si Contreras at ang apat pa niyang opisyal na ikinabuwis ng buhay ng isa nilang constituent.

Naniniwala tayo na sa ngalan ng batas na umiiral sa ating lipunan, mayroong dapat managot.

‘Di ba, Chairwoman Contreras?!

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Sir Jerry Yap JSY Ed de Leon

Sa unang Pasko na wala siya
JSY HINDI NAKALIMOT SA MGA EMPLEYADO

ni ED de LEON AYOKONG isipin na wala na si Boss Jerry. Ang laging nasa …

Sir Jerry Yap JSY Nino Aclan

JSY, the best boss that i’ve ever met

ni Niño Aclan SIR JSY is the “Best Boss” that I’ve ever meet. Ganito ko …

Sir Jerry Yap JSY Bong Son

Totoong tao, tunay na kaibigan, best boss ever

ni BONG SON TUNAY na ako’y napahanga sa ipinakitang pagmamahal ng publisher ng HATAW Diyaryo …

Sir Jerry Yap JSY Ms M

Forever grateful kay JSY

ni Maricris Valdez-Nicasio COOL boss. Ganito ko sabihin at ilarawan ang aming publisher na si …

Sir Jerry Yap JSY Rose Novenario

Matatag, maaasahan, may paninindigan
PINAKAMATAAS NA PAGSALUDO SA IYO, SIR JERRY!

ni ROSE NOVENARIO KUNG ilalarawan ko ang pagkatao ni Jerry Sia Yap bilang employer at …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *