ni Maricris Valdez Nicasio
AMINADO si Anne Curtis na pangit ang boses n’ya. Hindi naman niya ito itinatago. Gayunman, marami pa rin ang naaaliw sa kanya sa tuwing kumakanta siya.
“Ano ba ‘yan, ang pangit ng boses ko today!” nasambit ni Anne sa isang mall show niya para sa kanyang endorsement. Pero, hindi talaga mapigil si Anne sa pagkanta kaya naman panibagong ‘dream come true’ sa aktres na mapabilang sa singers na tampok sa official soundtrack ng top-rating primetime fantaserye ng ABS-CBN na Dyesebel.
Kaya kahit wala sa tono ang boses ni Anne, ipinagkatiwala pa rin sa kanya ng Star Records para awitin ang feel-good track na Pag Kasama Kita na magpapaalala sa nakikinig sa mga nakakikilig na karanasan ni Dyesebel (Anne) kasama sina Fredo (Gerald Anderson) at Liro (Sam Milby).
Tampok din sa Dyesebel:The Official Soundtrack ang mga kantang Tangi Kong Kailangan ni Lea Salonga kasama ang ABS-CBN Philharmonic Orchestra, Magkaiba Man Ang Ating Mundo ni Jed Madela, at Puwang Sa Puso ni Juris. Mapakikinggan din sa album ang lullaby version ni Juris ng Puwang Sa Puso, ang Pop version ni Yeng Constantino ng Tangi Kong Kailangan, at ang English version nito na All I Need na kinanta naman ni Lea. Kasama rin sa Dyesebel Official Soundtrack ang minus one versions ng mga kanta.
Mabibili na sa record bars nationwide ang Dyesebel: The Official Soundtrack at maari na ring ma-download sa iTunes.
Samantala, huwag palampasin ang mga kapana-panabik na tagpo sa Dyesebel gabi-gabi pagkatapos ng TV Patrol sa Primetime Bida ng ABS-CBN. Para sa karagdagang impormasyon kaugnay ng Dyesebel bisitahin lamang ang official social media accounts ng programa sa Facebook.com/Dyesebel.TV at Twitter.com/Dyesebel_TV.