ni Allan Sancon
NAGING mainit ang usap-usapan sa social media ang umano’y hindi pagpapansinan ng maghipag na sina Maine Mendoza at Ria Atayde sa special screening ng pelikulang Moonglow, na pinagbibidahan ni Arjo Atayde.
Agad itong naging intrigang pinag-usapan ng mga netizen, lalo na’t nasundan ito ng mga espekulasyon tungkol sa umano’y hindi pagkakaunawaan ng dalawa.
Pero teka muna! Totoo nga bang nag-isnaban ang maghipag o isa na naman itong maling interpretasyon sa isang simpleng tagpo?
Bilang isa sa mga personal na nakasaksi sa nasabing special screening, walang katotohanan ang kumakalat na isyu tungkol sa hindi pagpapansinan nina Maine at Ria.
Sa katunayan, nakita namin mismo na nagbeso pa ang dalawa matapos ang screening ng pelikula na hindi lang nakunan ng camera. Nagkaroon pa nga ng group picture sa loob ng siinehan na magkakasama ang magkakapatid na sina Ria, Gela at Arjo, kasama si Maine.
Malinaw na taliwas ito sa mga espekulasyong kumalat online. Kaya naman nakapagtataka kung paano nabuo ang kuwento tungkol sa umano’y pag-iisnaban nina Ria at Maine gayong mismong mga nakasaksi sa event ay may ibang kuwento.
Kapansin-pansin din ang pagdalo ni Ria sa mahalagang gabi para sa kanyang kapatid na si Arjo. Ilang buwan na itong buntis at malaki na ang baby bump, pero hindi iyon naging hadlang upang personal na masaksihan at suportahan ang pagbabalik-pelikula ng kanyang kapatid na kongresista.
Hindi nakadalo si Zanjoe Marudo dahil mayroong prior commitment. Gayunman, ramdam pa rin ang suporta ni Ria sa pamilya Atayde, lalo na sa isang espesyal na okasyon na tiyak na mahalaga kay Arjo.
Mas lalong naging interesado ang publiko kina Arjo at Maine dahil nauna nang kumalat ang mga espekulasyong hiwalay na umano ang mag-asawa.
Ngunit sa kabila ng mga kuwentong ito, muling ipinakita ng kanilang pagdalo sa special screening na walang dapat ipag-alala ang kanilang mga tagahanga dahil magkasamang dumalo sina Maine at Arjo at naging bahagi ng mahalagang gabi para sa aktor.
Sa halip na magbigay-daan sa mga haka-haka, mas makabubuting tingnan ang aktuwal na mga pangyayari kaysa agad maniwala sa mga kuwentong walang sapat na batayan.
Hindi rin basta-basta pagtitipon ang nasabing special screening dahil talaga namang star-studded ang nasabing okasyon.
Nakiisa sa espesyal na gabi ang mga naglalakihang artista katulad nina Christopher de Leon kasama ang asawang si Sandy Andolong, Bobot Mortiz, Tirso Cruz III, Amy Austria, Rita Avila, Jackie Lou Blanco, Angel Aquino, Ina Feleo, Efren Reyes Jr., Mon Confiado, John Sweet Lapus, at Ces Quesada.
Present din sina Ruru Madrid, Enchong Dee, Zaijian Jaranilla, at Ejay Falcon,kasama ang marami pang personalidad mula sa industriya ng showbiz.
Tunay na naging reunion of stars ang nasabing screening!
Dumalo rin ang ilang respetadong direktor at personalidad sa mundo ng pelikula, kabilang sina Chito Roño, FM Reyes Laurice Guillen, Gina Alajar, Dan Villegas, Mae Cruz- Alviar, Kyla Romero, Arvin Belarmino, at Jeffrey Jeturian.
Nakiisa rin sa panonood sina Ms Cory Vidanes at Mr Carlo Katigbak ng ABS-CBN, gayundin sina Roselle Monteverde at Atty Keith Monteverde.
Ang kanilang presensya ay patunay na malaki ang suporta at interes ng industriya sa pagbabalik-pelikula ni Arjo.
Hindi maikakailang naging matagumpay at espesyal ang gabing iyon para sa pamilya Atayde.
Kapuri-puri rin si Sylvia Sanchez dahil nagawa niyang pagsama-samahin sa iisang sinehan ang kanyang mga kaibigan at kasamahan sa industriya, mga batikang artista, direktor, at mahahalagang personalidad upang suportahan ang pelikula ng kanyang anak.
Hindi lamang ito simpleng screening, kundi isang gabi ng pagkakaibigan, pagkakaisa at pagmamahal sa pelikulang Filipino.
Sa huli, isang mahalagang paalala ang insidenteng ito: hindi lahat ng napapansin o nakukunan ng camera ay nangangahulugang may hindi pagkakaunawaan.
Sa panahon ngayon na mabilis kumalat ang mga haka-haka sa social media, mahalagang alamin muna ang buong kuwento bago magbigay ng kongklusyon.
Sa personal naming nasaksihan, walang naganap na isnaban kina Ria at Maine. Sa halip, nakita namin ang kanilang pagbati at pagsasama sa isang mahalagang gabi para kay Arjo.
Kaya bago gumawa ng sariling kuwento, mas mabuting alamin muna ang totoong nangyari. Dahil minsan, ang katotohanan ay nasa mismong harap lamang natin, naghihintay na makita at maunawaan.
