SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
“NARIRINIG namin kayo.” Ito ang paniniyak ni Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Chair Lala Sotto ukol sa mga reklamong natatanggap nila laban sa ilang episodes ng Pinoy Big Brother Collab 3.0.
Ayon sa MTRCB Chair, nakatanggap sila ng mahigit 1,300 reklamo mula sa concerned viewers sa mga recent episodes ng Pinoy Big Brother Collab 3.0 noong Huwebes, Nobyembre 19, 2026.
Ani Chair Lala, “Mula nang ako ay naging chair ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) iilan lang ang mga reklamong natatanggap namin mula sa mga palabas sa telebisyon kompara rito sa ‘Pinoy Big Brother Collab 3.0’ nitong mga nakaraang araw.
“Sa mga magulang na nagbahagi ng kanilang feedback, naririnig namin kayo.
“Salamat sa paglalaan ng oras para sumulat sa amin.”
Sinabi pa ni Chair Lala na pinahahalagahan ng MTRCB ang pagpayag ng ABS-CBN na umupo (makipag-usap) at ang pangako nito sa responsableng self-regulation.
“Umaasa kami na sa dami ng reklamong natanggap namin ay sapat na paalala sa ABS-CBN at sa PBB team na laging tandaan kung sino ang nanonood sa bahay,” wika pa ng MTRCB Chair.
