Polo, nasa podium; Coleman pasok sa finals

Angel Polo Riannah Chantelle Coleman Dakar YOG

DAKAR – Lumakas ang tsansa ni Angel Polo na makasungkit ng medalya sa wushu habang nakapasok naman si Riannah Chantelle Coleman sa finals ng women’s 200-meter breaststroke sa kabila ng hirap sa paghinga sa 4th Youth Olympic Games nitong Lunes.

Muling pumuwesto sa ikatlo si Polo sa Taijishuan preliminaries ng women’s Taijiquan combined sa Dakar Expo Center sa Diamniadio.

Nanguna si Ng Zhe Nin ng Singapore sa 18.653 puntos, sinundan ni Chu Yu En ng Chinese Taipei na may 18.563, habang nagtala si Polo ng 18.456 puntos.

Kapwa nagtapos sa unang tatlong puwesto ang tatlo sa World Junior Championships sa Tianjin, China noong Marso.

“Maayos ang ipinapakita ni Angel at nakatuon kami sa finals bukas. Umaasa kaming mas gaganda pa ang kanyang performance,” ani coach Li Jianfang.

Gaganapin ang finals sa Martes, kung saan unang isasagawa ang Taijishan ganap na 10:38 ng umaga at susundan ng Taijiquan sa 4:29 ng hapon, oras sa Dakar.

Samantala, nakalusot din sa finals si Coleman matapos pumang-apat sa kanyang heat at magtala ng pampitong pinakamabilis na oras sa 2:47.64.

Gayunman, naging mahirap ang kanyang karera dahil sa problema sa paghinga na muntik pang magpabagsak sa kanya matapos umahon sa pool.

Agad siyang dinala sa Medical Room at inalagaan nang halos 30 minuto kasama ang kapwa swimmer na si Jamesray Mishael Ajido at coach Jensen Halili.

“Napakahirap ng pinagdaanan ko pero nagpapasalamat akong natapos ko ang karera. Hirap akong huminga sa buong laban pero mabuti at naabot ko ang dulo,” pahayag ni Coleman.

Ayon sa kanya, malayo ang kanyang oras sa personal best na limang segundo ang agwat, habang mahigit 18 segundo naman siyang nahuli sa nangunang si Mana Ishikawa ng Japan.

Tatlo pang swimmers ang ginagamot din dahil sa kaparehong problema sa paghinga habang inaasikaso si Coleman sa Medical Room. (POC Media Pool/HNT)