MANILA — Muling uugong ang hampas ng bat sa makasaysayang Rizal Memorial Baseball Stadium sa Maynila sa pagbabalik ng sigla nito bilang punong-abala ng East Asia Cup 2026 na gaganapin sa Disyembre 7 hanggang 13.
Sa pangunguna ng Philippine Sports Commission (PSC), magsasama-sama sa torneo ang anim na bansa, kabilang ang Pilipinas, Singapore, Hong Kong at Thailand, upang makipagtagisan sa prestihiyosong kompetisyon sa baseball.
Bago ang torneo, sumasailalim sa malaking pagsasaayos ang Rizal Memorial Baseball Stadium (RMBS) sa kauna-unahang pagkakataon mula nang buksan ito noong 1934. Layunin ng rehabilitasyon na ibalik ang dating karangalan ng pasilidad at maiangat ang pamantayan ng baseball sa bansa.
Ayon kay PSC Chairman Patrick Gregorio, kabilang sa mga plano ang pagpapalawak ng kapasidad ng grandstand upang makapagsilbi sa 10,000 manonood, paglalagay ng digital scoreboard at pag-install ng artificial turf na pasok sa internasyonal na pamantayan.
Binigyang-diin ni Gregorio na mahalagang magkaroon ang mga atletang Pilipino ng pasilidad na naaayon sa mayamang kasaysayan at kinabukasan ng baseball sa bansa.
Pagkatapos ng pagsasaayos, agad na gagamitin ang istadyum sa East Asia Cup na inorganisa ng Philippine Amateur Baseball Association (PABA) at pinahintulutan ng Baseball Federation of Asia (BFA).
Ayon naman kay PABA Secretary General Mike Asuncion, malaking hakbang ang rehabilitasyon para sa pag-unlad ng baseball sa Pilipinas. Inaasahan niyang magsisilbing inspirasyon sa mga atleta ang pagkakaroon ng makabagong pasilidad at maipakikita nito ang kahandaan ng bansa na makipagsabayan sa rehiyon.
Bukod sa pagsasaayos ng RMBS, plano rin ng PSC at PABA na magpatayo ng karagdagang mga baseball field sa iba’t ibang panig ng bansa upang matuklasan at mahubog ang mga batang talento.
Mayaman din sa kasaysayan ang naturang istadyum. Sa unang exhibition game nito noong Disyembre 1934, naitala ni Lou Gehrig ang unang home run sa pasilidad, na sinundan naman ni Babe Ruth.
Samantala, pangungunahan ng pambansang koponang Hataw Pilipinas ang kampanya ng bansa sa torneo. Papasok ang 24-kataong koponan nang may kumpiyansa matapos masungkit ang gintong medalya sa Southeast Asian Games laban sa host na Thailand.
Mangunguna sa koponan si team captain at pitcher Romeo Jasmin, kasama ang mga beteranong sina Ferdinand “Bong” Liguayan Jr., catcher Mark Steven Manaig at leadoff hitter Jenald Pareja, gayundin ang sumisikat na manlalarong si Mark Beronilla.
Gagabayan ang koponan nina head coach Lando Binarao, batting coach Ricardo “Iking” Jimenez at dating pitcher Joseph Orillana.
Inaasahan ding makatutulong ang East Asia Cup sa pagpapalakas ng sports tourism sa Maynila sa pagdating ng mga atleta, opisyal at tagahanga mula sa iba’t ibang bahagi ng Asya. Darating ang mga koponan dalawang araw bago ang torneo, habang nakatakda naman ang umpire clinic sa Disyembre 3 hanggang 5.
Isa sa mga kapansin-pansing bahagi ng istadyum ang scoreboard clock na matagal nang nakatigil sa oras na 11:05. Sa muling pagsasaayos ng pasilidad, inaasahang magiging sagisag ito ng panibagong yugto ng baseball sa Pilipinas.
Sa suporta ng PSC at PABA, inaasahang magsisilbing mahalagang hakbang ang pagbuhay sa Rizal Memorial Baseball Stadium upang higit pang mapaunlad ang baseball, mapalawak ang pagsasanay sa mga kabataan at maipakita ang kakayahan ng mga atletang Pilipino sa pandaigdigang entablado. (PSC/HNT)
