MAKATI CITY — Hindi pa rin natatapos ang sigalot sa lupa sa Sicogon Island, Carles, Iloilo, makalipas ang 16 na taon, dahilan upang muling manawagan ng agarang aksiyon ang mga magsasaka, mangingisda at residente laban sa usaping nakaaapekto sa kanilang karapatan at kabuhayan.
Sa press conference sa Makati nitong Biyernes, umapela kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., mga miyembro ng Senado at Department of Agrarian Reform (DAR) ang mga lider-komunidad na sina Eufemio Alcala ng Federation of Sicogon Island Farmers and Fisherfolk Association (FESIFFA), Rosalita Mahinay ng Buaya Farmers and Fisherfolk Association (BUFFA), at Randy Bernal ng USWAGON Homeowners Association (USWAGON HOA) na aksiyunan ang kanilang petisyon na naglalayong ipawalang-bisa ang kautusan sa land-conversion sa ilang bahagi ng isla.
Nasa sentro ng kontrobersiya ang joint venture na kinasasangkutan ng Ayala Land Inc. at Sicogon Island Development Corporation, sa pamamagitan ng Sicogon Island Tourism Estate Corporation na itinatag noong 2010.
Bagama’t nakatuon ang proyekto sa pagpapaunlad ng Sicogon bilang destinasyong panturismo, iginiit ng mga residente na dapat malinaw na maipaliwanag ang aktuwal na implementasyon nito, partikular ang mga pangakong pabahay, trabaho, kabuhayan at iba pang benepisyong nakalaan para sa komunidad.
Ayon sa mga grupo, hindi dapat maisakripisyo ang karapatan at kapakanan ng mga mamamayang matagal nang umaasa sa lupa at yamang-dagat ng isla sa ngalan ng pagpapaunlad ng turismo.
Ikinabahala rin ng mga kinatawan ang kasong kinasasangkutan ng limang residente. Hiniling nila sa mga kinauukulan na siyasatin ang mga pangyayari at tiyaking mapangangalagaan ang karapatan ng mga sangkot alinsunod sa wastong proseso ng batas.
Dahil dito, hinimok nila ang DAR at Senado na muling suriin ang kanilang petisyon at maghanap ng ligal at makatarungang solusyon na kikilala sa karapatan sa lupa at magtitiyak sa proteksiyon ng kabuhayan ng mga residente.
Giit ng mga lider-komunidad, hindi na sapat ang paulit-ulit na panawagan at pangako. Kailangan na nilang makita ang kongkretong hakbang ng pamahalaan upang maresolba ang matagal nang usapin at mapangalagaan ang interes ng mga mamamayan ng Sicogon.
