Bo Bautista nagpaalam nang gawin intimate scene nila ni LA Santos sa Mantsa

Bo Bautista Harlene Bautista Mantsa LA Santos

ni Allan Sancon

ISA sa mga eksenang pinag-usapan at ikinagulat ng marami sa pelikulang Mantsaang intimate scene nina Bo Bautista at LA Santos.

Hindi inaasahan ng ilang manonood ang naturang eksena, kaya naman naging usap-usapan agad ito matapos ang screening. Pero bago pa man niya tanggapin ang sensitibong eksena, isang mahalagang tao muna ang kinausap ni Bo—ang kanyang ina na si Harlene Bautista.

Nang ma-interview namin si Bo tungkol sa eksena, diretsahan namin siyang tinanong kung kinailangan ba niyang magpaalam muna sa kanyang ina bago siya pumayag na gawin ito. 

Walang pag-aalinlangan ang sagot ng young actress. 

“Nagpaalam naman po ako kay Mama at pumayag naman po siya na gawin ko ‘yung eksena,” pahayag ni Bo.

At hindi lang pala basta pagpayag ang ibinigay ni Harlene. Present mismo ang veteran actress sa Premiere Night ng Mantsa kaya hindi rin nakaligtas sa aming tanong ang tungkol sa daring scene ng kanyang anak. 

Ayon kay Harlene, bago gawin ni Bo ang eksena ay ipinaalam muna sa kanya ng anak ang gagawin.

“Nagpaalam naman siya sa akin at sabi ko sa kanya, okay lang naman kung kaya niya gawin ang eksena,” kuwento ni Harlene. 

At tila may halong biruan pa ang kanyang komento nang idagdag niya: “Tinalo pa niya ako dahil wala akong kissing scene sa big screen noong kabataan ko.” 

Isang patunay na supportive si Harlene sa desisyon ng kanyang anak basta komportable at kaya nitong panindigan ang role.

Pero ang malaking tanong ngayon: Dahil nakayanan ni Bo ang intimate scene sa Mantsa, ibig sabihin ba nito ay bukas na siya sa mas daring na mga proyekto sa hinaharap? 

Agad itong nilinaw ng young actress at tila ayaw muna niyang lumagpas sa kanyang comfort zone.

“Hindi naman po, kung ano po ‘yung nakita ninyo roon sa eksena, hanggang doon lang muna po,” diretsahang sagot ni Bo. 

Malinaw sa kanyang pahayag na bagama’t handa siyang hamunin ang sarili bilang artista, mayroon pa rin siyang mga limitasyong nais niyang respetuhin sa pagpili ng mga eksenang gagawin.

Sa Mantsa, ginampanan ni Bo ang karakter ni Melissa, isa sa barkada nina Shira Tweg bilang Regina at Khai Flores bilang Paeng. 

Bagama’t kabilang siya sa ensemble cast, naging kapansin-pansin ang kanyang karakter dahil sa mga eksenang nangangailangan ng emosyon at tapang—kabilang na ang eksenang nagpaingay sa mga manonood.

Sa direksiyon ni Louie Ignacio, ang Mantsa ay isang psychological thriller na hindi lamang nakasentro sa suspense at misteryo kundi tumatalakay din sa mental health, trauma, pamilya, at mga problemang kinakaharap ng kabataan.

 Sa gitna ng mga nakagugulat na pangyayari, nakakuha rin ng atensiyon ang karakter ni Bo dahil ipinakita niya na kaya niyang humarap sa mas mapanghamong materyal bilang isang batang aktres.

At kung may isang bagay na malinaw matapos ang Mantsa, iyon ay ang unti-unting paglabas ni Bo sa kanyang comfort zone. 

Hindi man siya nangangakong susuong agad sa mas daring na proyekto, ipinakita niya na kaya niyang tanggapin ang hamon kapag mahalaga ito sa kanyang karakter at kuwento. Sa pagkakataong ito, hindi lang ang Mantsa ang nag-iwan ng marka sa mga manonood—pati ang pangalan ni Bo ay tila mas lalo ring napansin.

Hindi lamang basta pananakot ang hatid ng Mantsa. Mas malalim ang kuwento nito dahil ipinakita rin kung gaano kahalaga ang suporta at pag-unawa ng pamilya sa isang taong dumaraan sa mental health struggles. 

Sa halip na gawing simpleng elemento lamang ang isyu, naging mahalagang bahagi ito ng kuwento. Rito rin mas lumalalim ang karakter ng mga bida at mas mauunawaan ng manonood na may mga laban na hindi nakikita ng mata at may mga sugat na hindi basta-basta naghihilom.

Intense ang mga eksena, lalo na dahil sinabayan ito ng mahusay na pagganap ng mga karakter at nakagugulat na sound effects.

May mga pagkakataong mapapapitlag ka sa biglang pagbabago ng eksena at tunog.

Bongga rin ang cinematography dahil mahusay na ginamit ni Direk Louie ang mga anggulo, ilaw, at framing upang dagdagan ang misteryo at bigat ng bawat tagpo. Hindi lamang basta magandang tingnan ang mga shot—may purpose ang mga ito sa pagbuo ng mood at emosyon ng pelikula.

Hindi rin nagpahuli sa pagganap sina Shira at Khai, na kapwa nagpakita ng lakas sa pag-arte at hindi nagpadaig sa mga batikang aktor na sina Ms. Pilar Pilapil, Gelli de Belen, Dino Guevarra, at Snooky Serna.

Kapansin-pansin ang chemistry at bigat ng kanilang mga eksena, lalo na sa mga tagpong nangangailangan ng matinding emosyon.

Samantala, mahalaga rin ang karakter na ginampanan ni Janice de Belen bilang psychiatrist, dahil nagsilbi itong mahalagang boses sa kuwento para mas maunawaan ang usapin tungkol sa mental health.

Isa sa pinakamalaking hatak ng Mantsa ang unpredictable nitong kuwento. Habang umuusad ang pelikula, mapapaisip ka kung sino nga ba talaga ang salarin at kung alin sa mga nakikita mo ang dapat mong paniwalaan.

Hindi agad ibinibigay ang lahat ng sagot kaya mapipilitan kang mag-obserba sa bawat detalye. At kapag dumating ang mga twist, mapapaisip ka kung tama ba ang mga hinala mo. Ito ang klase ng pelikulang mas masarap pag-usapan pagkatapos mapanood dahil siguradong may mga eksenang babalikan sa iyong isip.

Bagamat psychological thriller ang Mantsa, hindi nito nakakalimutang mag-iwan ng mahahalagang aral sa pamamagitan ng mga karakter at kanilang pinagdaanan. 

Ipinaaalala nito na mahalaga ang pakikinig, pag-unawa at pagbibigay ng suporta sa mga taong may pinagdaraanan. Sa likod ng misteryo, takot at suspense ay may kuwento tungkol sa pamilya, trauma, emosyon, at mental health na maaaring maging salamin ng tunay na buhay.

Sa kabuuan, ang Mantsa ay isang pelikulang hindi lamang dapat panoorin para sa kilig sa suspense at thrill, kundi para rin sa kuwentong may lalim at mensaheng maaaring dalhin ng manonood paglabas ng sinehan. 

Paniguradong mag-iiwan ito ng sariling “mantsa” sa ating mga puso at isip. Kung mahilig ka sa psychological thriller na may misteryo, nakagugulat na mga eksena, mahusay na pag-arte at kuwentong may kabuluhan, abangan at panoorin ang Mantsa na palabas na simula October 7 sa mga sinehan nationwide. Isang pelikulang tiyak pag-uusapan ninyo matapos manood.