ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
ANG single ng newbie singer na si Benedict Vinluan titled “Sa Gitna ng Ulan” ay mapapakinggan na sa Spotify at sa iba pang streaming app.
Ang launching ng kanyang single ay ginanap sa Music Box kamakailan at nagsilbing host dito si Ladine Roxas-Saturno. Ang Sa Gitna ng Ulan ay composed by Maestro Vehnee Saturno, under Vehnee Saturno Music. Ito ay produced ni Mr. Charles Solano.
Paano niya ide-describe ang kanyang single and ano ang na-feel niya nang unang narinig ang kanta?
Tugon ni Benedict, “Ang Sa Gitna ng Ulan po ay isang awitin na tungkol sa pagmamahal, pag-asa, at pagiging matatag sa kabila ng mga pagsubok na dumarating sa atin.
“Para sa akin, hindi lang po siya basta isang kanta, may emosyon at mensahe po talaga siyang gustong iparamdam sa bawat taong makikinig.”
Pagpapatuloy niya, “Sa second question naman po, noong una ko po itong narinig, agad po talaga akong na-catch ng melody at ng message ng kanta.
“Sa dalawang songs na ibinigay sa akin ni Sir Vehnee Saturno, ito po talaga ang mas nangibabaw sa puso ko. Parang may connection po agad ako sa kanta. Bilang isang mang-aawit, naniniwala po ako na kailangan mo munang maramdaman ang isang kanta bago mo ito maiparamdam sa ibang tao.
“Kaya noong una ko po itong narinig, naisip ko agad na gusto kong ako ang kumanta nito. Sana po sa bawat pakikinig ng mga tao sa kantang Sa Gitna ng Ulan ay maramdaman nila ang bawat emosyon at mensahe na gusto kong ibahagi.”
Si Benedict ay 20 years old, tubong Nueva Ecija at isang 2nd year Nursing student sa Phinma Araullo University.
Nabanggit din niya na ang kanyang pamilya ang may malaking influence sa kanyang pagkahilig sa musika.
“Iyon nga po iyong mga nag-influence sa akin sa music ay ang family ko po, kasi nakikita ko po ‘yung hard work nila and ‘yung sacrifies nila sa akin para lang po masuportahan iyong pangarap ko at kung ano iyong gusto ko sa buhay.”
Nagpasalamat din ang singer sa ibinigay sa kanyang pagkakataon ni Vehnee.
Aniya, “Sobrang thankful po ako for this opportunity dahil si Sir Vehnee Saturno po ito, e. And hindi ko rin po in-expect na magagawan ako ng kanta at also, na kakantahin ko iyong ginawa niyang kanta.
“Parang ang nasa isip ko lang, ang gaganda ng mga music ni Sir Vehnee and soon ay makakakanta rin ako ng mga sarili niyang komposisyon na kanta.”
Ito naman ang nasabi ng batikang composer hinggil sa boses ni Benedict.
Pahayag niya, “Mayroong isang klaseng boses akong hinahanap, gusto ko iyong range na wide. Na maski na anong klaseng kanta ay puwede mong ipakanta sa kanya and I found it sa boses ni Benedict.”
Maganda ang single na ito ni Benedict, bagay na bagay sa maganda niyang boses. Kaya hindi kami magtataka kung magiging hit ang kanta niyang ito.
Congrats Benedict at sir Vehnee.
