Tolentino, tiwalang lalampas sa 4-gold mark ang Team PH

POC Bambol Tolentino EJ Obiena Asian Games

NAGOYA, Japan — Nanatiling kumpiyansa si Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino na malalampasan ng Team Philippines ang apat na gintong medalya na itinakda nitong target sa 20th Asian Games, tatlong araw bago ang opisyal na pagtatapos ng torneo.

Ayon kay Tolentino, may natitira pang mga pagkakataon para sa mga atletang Pilipino na makapaghatid ng karagdagang gintong medalya sa iba’t ibang disiplina bago tuluyang magsara ang kompetisyon sa Linggo.

“May tatlo pang pagkakataon hanggang Linggo ng umaga.” Last 3 days, still hoping for more golds,” ani Tolentino.

“Siguro naman sure na malalampasan ’yung apat,” dagdag niya, bilang pagtukoy sa apat na gintong napanalunan ng Pilipinas sa Hangzhou Asian Games tatlong taon na ang nakalilipas.

Sa kasalukuyan, may tatlong ginto ang Pilipinas sa Nagoya, mula kina Carlos Yulo na nagkampeon sa men’s floor exercise at vault, at pole vaulter Ernest John Obiena.

Bagama’t nakaranas ng ilang maagang pagkabigo ang delegasyon, kabilang ang pagkalaglag ng Sibol Mobile Legends squad at MMA fighter na si Jean Claude Saclag, naniniwala si Tolentino na marami pang oportunidad ang Pilipinas sa mga natitirang kompetisyon.

“Ganu’n talaga. May napipitas, may pumapalit. God willing, mayroon pa pagkukunan,” ani Tolentino.

Kabilang sa kanyang binanggit na maaaring maghatid ng karagdagang tagumpay ang tennis, boxing, judo, jiu-jitsu, beach volleyball, padel, golf at softball, pati iba pang team sports.

Partikular niyang binanggit si Alex Eala sa tennis at Olympic silver medalist Carlo Paalam sa boxing, gayundin ang mga pambato ng bansa sa jiu-jitsu.

“Of course, Alex [Eala]. Boxing, Carlo Paalam. Judo. Malakas nga lang ’yung first event ngayon. What else? Jiu-jitsu. Hopefully dalawa,” ani Tolentino.

Ipinahayag din niya ang kumpiyansa sa Philippine golf contingent na pinangungunahan nina Bianca Pagdanganan at Rianne Malixi.

Habang papalapit ang pagtatapos ng Asian Games sa Linggo, nanawagan si Tolentino sa mga Pilipino na patuloy na suportahan ang mga atletang nakikipaglaban para sa podium finish.

“God willing. Lahat tayo mga kababayan, let’s pray for our athletes at Team Philippines,” ani Tolentino. “Kaya sure na malalampasan natin ’yung 4, hopefully.” (POC Media Pool/HNT)