Yape, bronze sa men’s individual Poomsae

Jeus Yape Poomsae Asian Games

TOYOHASHI, Japan — Nagdagdag si Jeus Yape ng bronze sa kampanya ng Pilipinas sa poomsae matapos makuha ang ikatlong puwesto sa men’s individual event nitong Huwebes sa Toyohashi Gymnasium.

Nagtala si Yape ng 9.0900 puntos upang makuha ang bronze, ilang oras matapos masungkit ni Juliana Candelaria ang silver sa women’s individual poomsae.

“Masaya po ako sa performance ko. Ginawa ko po ang best ko at lahat ng makakaya ko,” ani Yape sa panayam ng One Sports.

Nanguna sa kompetisyon si South Korean Yun Kyusung na may 9.3800 puntos, habang silver naman si Thailand’s Navin Pinthasute matapos magtala ng 9.2800.

Pinuri ni coach Jeordan Domingez si Yape sa kanyang pagharap sa pressure ng pagsabak sa malaking torneo sa Asya.

“I’m so happy for him. I’m very happy and proud of Jeus, together with Mika, because they conquered that fear of pressure,” ani Domingez.

Samantala, sinabi ni Yape na gagawin niyang inspirasyon ang kanyang naging performance upang lalo pang pagbutihin ang kanyang mga susunod na laban.

“Right now, I’m happy sa journey ko po, and I’ll just keep moving forward,” ani Yape.

Hindi pa rito nagtatapos ang kampanya ni Yape sa Asian Games. Babalik siya sa aksiyon sa virtual taekwondo Round of 16 sa Biyernes, alas-10 ng umaga, oras sa Maynila.

Dahil sa dalawang podium finish nina Candelaria at Yape, kapwa may kinatawan ang Pilipinas sa women’s at men’s individual poomsae sa kasalukuyang torneo. (POC Media Pool/HNT)