NAGOYA, Japan — Nabigo ang Alas Pilipinas tandem nina Khy Progella at Sofiah Pagara na makapasok sa gold medal match matapos yumuko sa Thailand, 21-23, 18-21, sa semifinals ng women’s beach volleyball competition nitong Huwebes sa Hekinan Ryokuchi Beach Court.
Muntik nang makuha ng batang Alas duo ang unang set matapos lumamang, 19-15, ngunit nakabawi ang Thailand at naagaw ang set point, 20-19.
Dalawang beses na nailigtas ng Progella-Pagara ang set point, subalit hindi na nila napigilan ang Thais na tuluyang kunin ang unang set. Ito rin ang unang set na ibinigay ng Alas duo sa kanilang kampanya sa torneo.
“Nandun na kami sa moment na kaya namin makuha yung panalo kaso kulangan lang kami sa tiwala sa pinakadulo na kaya talaga namin,” ani Progella.
Sa second set, maagang umabante ang Pilipinas, 14-12, bago rumatsada ang Thailand sa 6-0 run para maagaw ang kalamangan, 18-14, hanggang tuluyang maisara ang laban.
Nauna ring pinabagsak ng parehong Thai pair sina Sisi Rondina at Bernadeth Pons sa quarterfinals noong Miyerkules, 17-21, 21-12, 13-15.
Gayunman, may pagkakataon pa sina Progella at Pagara na makabawi at maiuwi ang bronze medal. Makakaharap nila sa bronze medal match sa Biyernes ang Chinese pair na sina Cao Shuting at Dong Jie.
“Mindset namin for the bronze is pinakalast push na namin since last game na for Asian Games, so why not all out na at mas sosobrahan pa ang tiwala sa sarili na kaya namin,” ani Progella. (POC Media Pool/HNT)
