Lady Falcons, isang panalo na lang sa finals

ADU vs UE V-League Collegiate Challenge

SAN JUAN CITY — Isang panalo na lamang ang kailangan ng defending champion Adamson University para makapasok sa Finals matapos pataubin ang University of the East (UE), 25-23, 25-17, 25-17, sa Game 1 ng 2026 V-League Collegiate Challenge semifinals nitong Miyerkules sa Playtime FilOil Centre.

Susubukan ng Lady Falcons na tapusin ang serye sa Game 2 sa Sabado, Oktubre 3, alas-5 ng hapon, sa parehong venue.

Malaking tulong sa Adamson ang pagbabalik ni Alas Pilipinas spiker at team captain Shai Natural, na muling nagbigay ng tikas sa koponan matapos ang mahusay nitong kampanya sa preliminaries.

Nagpakawala ng magkakasunod na kills si Frances Mordi upang itulak ang Lady Falcons sa pitong puntos na kalamangan, 19-12, sa third set. Mula roon ay hindi na binitiwan ng Adamson ang kontrol hanggang tuluyang selyuhan ang panalo.

“Siguro, number one thing is yung kumpiyansa na nanalo today. And then, how we worked on doon sa mga lapses at pag-adjust namin. Nag-adjust sila agad,” ani head coach JP Yude.

Gayunman, hindi pa rin kuntento si Yude sa ipinakitang laro ng kanyang mga alaga.

“But I’m not really satisfied kasi I know them, how they can play, so ‘yon, we’ll work on that,” dagdag ng batang mentor na may karanasan na sa torneo.

Dikdikan ang unang set kung saan nagtabla ang dalawang koponan sa 23-all. Ngunit nakahanap ng dalawang sunod na puntos ang Adamson, kabilang ang kill ni Mordi, upang kunin ang unang set at maagang bentahe.

Nagpatuloy ang ratsada ng Lady Falcons sa second set at umabot sa pitong puntos ang kanilang lamang, 17-10, bago tuluyang isara ang set.

Malaking ambag din mula sa bench sina Abi Segui at Bella Sapienza, habang naging epektibo ang playmaking ng setter sa paghahanap kay Segui at Mordi para sa mahahalagang puntos.

Pinangunahan ni Mordi ang Adamson sa 22 puntos mula sa 16 attacks, tatlong blocks at tatlong service aces. Nagdagdag din siya ng 10 excellent receptions.

May pitong puntos naman si Eloi Dote, kabilang ang limang blocks sa 14 total blocks ng Lady Falcons na naging malaking hadlang sa pag-atake ng UE.

Tumipa ng tig-aanim na puntos sina Lhouriz Tuddao at Lana Barrera, habang nagdagdag si Nitura ng limang attacks sa third set, kasama ang dalawang digs at isang excellent reception.

Malaki ang naging agwat ng dalawang koponan sa blocks, 14-3, habang 28 kills lamang ang naitala ng Lady Warriors sa loob ng isang oras na laban.

Pinangunahan ng dating Adamson High School standout na si Janessa Buhay ang UE sa 12 puntos, 11 dito ay mula sa attacks. Walong puntos naman ang naitala ng beteranong si Van Bangayan. (PVL/HNT)