SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
SA edad 72 marami pang gustong gawin sa buhay si Joyce Peñas Pilarsky. Bukod sa paglulunsad ng awiting Walang Imposible, pagiging beauty queen, fashion designer, may libro pa siyang tinatapos na ililimbag sa Nobyembre.
Sa launching ng single ni Joyce na Walang Imposible na likha ni Vehnee Saturno, na isinagawa sa Teatrino Promenade kamakailan, sinabi nitong nagsulat siya ng isang libro tungkol sa wellness at health, mula sa sarili niyang mga karanasan at kasanayan.
Na anang beauty queen, fashion designer, educator tiyak na makatutulong din sa marami dahil sarili niyang karanasan ang nakalahad doon.
Sa kanyang edad ngayon marami ang humanga at hindi naniniwala dahil makinis, malakas, sariwa at napakaganda pa rin ni Joyce.
Ang sikreto, ani Joyce ay pinagsasama-sama ang gulay at prutas. “Morning routine ko iniinom ko always, a lot of vegetables and fruits. Bine-blend na magkasama and then iinumin ko ang kalahati at ang kalahati isasama sa paliligo.
“I’m very positive na matutulungan kayo ng libro na ito,” aniya “Kasi ang dami kong experiences.”
Makikita naman sa kanyang unang single ang kanyang pilosopiya sa buhay. Kumakatawan ito sa kanyang paniniwala na ang mga tao ay maaaring magpatuloy na abutin ang kanilang pangarap anuman ang edad. Kumbaga, wala iyon sa edad hangga’t may pangarap na gustong abutin.
Isa sa pangarap niya noon ang maging beauty queen na naisakatuparan niya sa edad 69.
Sumali siya sa Miss Universe Philippines-Quezon City noong 2024 na bagamat hindi nasungkit ang crown marami namang suporta at paghangang natanggap si Joyce.
“When I was young, mahilig akong manood ng mga beauty contest sa TV. Sabi ko, pangarap ko talaga maging beauty queen.
“I never thought that at age 69, I would be an official candidate for Miss Universe,” pagbabalik-tanaw ni Joyce.
At last month, kinoronohan si Joyce bilang Mrs Elite Elegante World International 2026 in Kuala Lumpur, Malaysia. Bukod dito, nakuha rin niya ang mga award na Best in National Costume, Best in Talent, na kinanta niya ang awiting Smile ni Nathalie Cole, Mrs Popularity, at Best in Evening Gown.
Hindi tumitigil si Joyce na makamit pa ang mga pangarap niya sa buhay. Tulad nitong pagkanta. Matagal na niya itong ikinukuwento sa amin at finally natuloy na rin ang paglulunsad.
Aniya, “I really praise and thank God na binigyan niya ako ng chance ngayon to promote this (single).
“Kasi matagal na ito. Parang gusto ko siyang i-launch noon pa. Kaya lang parang ang daming nangyayari.
“I think and I believe may plans talaga si Lord sa buhay natin. Hindi natin alam kung bakit. Kaya naman sobrang happy ako na finally nai-launch na itong Walang Imposible,” wika pa ni Joyce.
Kaya ang Walang Imposible ay angkop sa journey ni Joyce.
“I want to inspire a lot of people, young people specially kasi you will notice dahil siguro sa social media ang dali nilang mag-give up. Dapat hindi ganoon, lahat may pag-asa.”
Sinabi pa ni Joyce na hindi siya tumitigil sa pag-aaral. Nariyang nagpi-paint, nagpi-piano, music.
“It’s either nag-aaral ako ng painting, or music, or piano, or guitar. Kaya hindi ka napapagod. Kasi I think that’s what life is all about. You learn something every day,” sabi pa.
Naniniwala rin siya na ang bawat umaga ay nagdadala ng bagong pagkakataon.
“Every day, every morning, I pray and thank God that I’m alive. That means I have a chance again for a new day, for a new beginning—lahat ‘yun, everyday.”
Mapakikinggan ang Walang Imposible ni Joyce sa lahat ng music platform.
