Sabi ng ERC
VAT sa system loss, tanggal sa Nobyembre

ERC electricity Energy

MAAGANG pamasko ba ang November electric bill?

Matapos ianunsiyo ng Energy Regulatory Commission (ERC) inaasahang mararamdaman ng mga consumer sa November electric bill ang epekto ng pagtanggal ng value added tax (VAT) sa allowable system loss charges na ipinapataw ng mga power utilities.

Sa anunsiyo ng ERC, nakipagpulong na sila sa mga stakeholders upang madaliin ang pagpapatupad ng circular na inisyu ng Bureau of Internal Revenue (BIR) noong 14 Setyembre.

“So hopefully, by October consumption natin ay mag-e-effect na ‘yung walang VAT sa system loss charge, at ito ay makikita na natin sa November bill na matatanggap natin,” pahayag ni ERC chairperson Francis Saturnino Juan sa panayam sa radyo.

Batay sa Revenue Memorandum Circular 097-2026, ang system loss charges na pasok sa aprobadong ERC cap ay hindi na papatawan ng 12% VAT at ituturing na government-mandated pass-through costs.

Inilinaw ng ERC na ang aalisin lamang ay ang VAT, hindi ang mismong system loss charge. Paliwanag ng BIR, ang system loss ay kaugnay ng generation at transmission costs ng koryenteng nawawala, hiwalay sa mismong generation, transmission, at distribution charges na nananatiling may VAT.

Tinatayang nasa pagitan ng P20-P30 ang VAT sa system loss charge. Ayon sa Department of ­Energy (DOE), ang mga tahanang may konsumo ng 200 kilowatt-hours (kWh) kada buwan ay maaaring makatipid ng hanggang P20 sa kanilang electricity bills sa sandaling tuluyan nang matanggal ang VAT sa system loss charge.