‘Di puwedeng tamang hinala lang sa mga kasong kriminal

Aksyon Agad Almar Danguilan

AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan

MATAPOS ang ilang taon nang paghihintay, muling nabuksan ang usapin tungkol sa kaso ni dating First Lady Imelda Marcos matapos baliktarin ng Supreme Court ang kanyang conviction.

Binaligtad ng Supreme Court ang hatol ng Sandiganbayan sa pitong bilang ng graft laban sa dating First Lady na may kaugnayan sa umano’y financial interests niya sa ilang private foundation sa Switzerland.

Ang desisyon ng First Division, na isinulat ni Associate Justice Rodil V. Zalameda, ay inilabas noong June 10, 2026 at naisapubliko lamang noong nakaraang Miyerkoles.

Dahil sa ruling, nabaliktad ang 2018 conviction ng Sandiganbayan na naghatol kay Madam Imelda ng pagkakakulong at perpetual disqualification sa paghawak ng public office.

Natural lamang na magkaroon ng iba’t ibang reaksiyon sa desisyon. Ngunit kung aalisin muna ang politika at mga personal na pananaw, malinaw na isang mahalagang usapin ng ebidensiya ang pinagbasehan ng Supreme Court.

Mahalaga rito ang paliwanag ni retired Supreme Court Associate Justice Arturo D. Brion.

Para kay Brion, ang sentro ng kaso ay kung napatunayan ba ng prosecution ang guilt ng akusado beyond reasonable doubt. Hindi sapat na may alegasyon laban sa isang tao. Kailangang mapatunayan ang mismong krimeng nakasaad sa Information o formal charge na binasa sa akusado noong arraignment.

Ibig sabihin, hindi maaaring lumampas ang conviction sa kung ano mismo ang isinampa at kailangang mapatunayan ito ayon sa mataas na standard na ginagamit sa criminal cases.

Hindi rin sapat ang simpleng hinala o impresyon. Kahit may mga dokumentong ipinakita, kailangan pa rin mapatunayan ang authenticity at validity ng mga ito alinsunod sa rules on evidence.

Dito nakita ang malaking problema sa kampo ng prosekusyon.

Ayon kay Brion, ang mga dokumento mula Switzerland na ginamit upang patunayan ang financial interests ni Madam Imelda ay itinuring ng Supreme Court na private documents. Dahil dito, kailangan ang tamang authentication.

Ngunit hindi umano ito sapat na naipakita ng prosecution. Ang mga testigo ay hindi rin nakapagpatunay, batay sa kanilang personal knowledge, sa mga kinakailangang bagay tungkol sa authenticity at contents ng mga dokumento.

Dahil dito, nagkaroon ng malaking puwang sa kaso. Sa huli, hindi naging sapat ang ebidensiya upang patunayan ang guilt ng dating Unang Ginang beyond reasonable doubt.

Hindi nangangahulugan ang ruling na kailangan nang burahin ang lahat ng kontrobersiya tungkol sa nakaraan. Ang importante ay malinaw ang prinsipyo: bago mapatunayang guilty ang isang tao, kailangang sapat ang ebidensiya at nasunod ang tamang proseso.

At kung ito ang naging pasya ng Supreme Court, dapat natin itong igalang. Hindi dahil Marcos siya. Kundi dahil Supreme Court ito.

Marahil panahon na rin para bawasan ang walang katapusang politikahan. Maaari tayong magkaroon ng magkakaibang pananaw tungkol sa kasaysayan, pero maaari rin nating tanggapin ang desisyon ng hukuman.

Sa huli, panahon na sigurong tanggapin ang desisyon ng Supreme Court at hayaang magsalita ang batas. Hindi natin kailangang kalimutan ang nakaraan, pero hindi rin natin kailangang manatili roon. Panahon na para mag-move on at harapin ang mas mahahalagang problema ng bansa.