Cebu, pagliliyabin ng volleyball! PVL at Spikers’ Turf, 10th season sa Queen City

Cebu volleyball VL Spikers Turf 10th season Queen City

CEBU CITY — Lilipat sa Queen City of the South ang sentro ng volleyball sa bansa sa Oktubre 10 matapos piliin ng Sports Vision Management Group, Inc. (SVMGI) ang bagong bukas na SM Seaside Cebu Arena bilang venue ng makasaysayang pagbubukas ng ika-10 season ng Premier Volleyball League (PVL) at Spikers’ Turf.

Tampok sa engrandeng season opening ang blockbuster triple-header, kabilang ang dalawang PVL games.

Mauunang magharap ang Choco Mucho at Capital1 alas-1 ng hapon, habang tampok naman sa gabi ang banggaan ng Creamline at Akari alas-6.

Isang Spikers’ Turf match ang bubuo sa triple-header na inaasahang dadagsa ang mga tagahanga ng volleyball sa Cebu.

Mahalaga ang pagdadala ng season opening sa labas ng Metro Manila dahil patunay ito sa patuloy na pag-angat ng Cebu bilang isa sa mga pangunahing sentro ng volleyball sa bansa.

Inaasahang magtatala ng rekord na dami ng manonood ang makasaysayang pagbubukas habang ipinagdiriwang ng PVL at Spikers’ Turf ang kanilang ika-10 anibersaryo.

Hindi rin maikakaila ang malalim na ugat ng volleyball sa Cebu na patuloy na nagsusuplay ng mga de-kalibreng manlalaro sa mga nangungunang liga sa bansa.

Kabilang sa mga kilalang PVL players na may dugong Cebuano sina Sisi Rondina ng Choco Mucho mula Compostela; Deanna Wong ng Minglanilla; at Isa Molde ng Catmon.

Mula rin sa Cebu sina Dimdim Pacres ng Galeries Tower, Lorene Toring at Pierre Abellana ng Farm Fresh, Krich Macaslang ng Nxled at Shiela Kiseo ng PLDT.

May ambag din ang Visayas sa men’s division, kabilang sina dating Cignal standout Edward Ybañez at Jayvee Sumagaysay ng VNS.

Lalo pang pinatatatag ng Sports Vision ang volleyball grassroots program sa rehiyon.

Noong nakaraang taon, inilunsad ang V-League Visayas, isang regional collegiate tournament na nilahukan ng tig-anim na men’s at women’s teams na nakabase sa Cebu at kaanib ng Cebu Schools Athletic Foundation, Inc. (CESAFI).

Noong Hulyo naman, pinalawak pa ang programa sa pamamagitan ng Panay-Negros tournament sa Passi City, Iloilo, na nagbigay ng karagdagang pagkakataon sa mga umuusbong na volleyball talents sa Visayas.

Sa ganitong mga programa, patuloy na napapalakas ang Cebu at buong Visayas bilang mahalagang balon ng mga manlalarong maaaring umakyat sa pinakamataas na antas ng professional volleyball.

Kaya naman higit na espesyal ang pagbubukas ng ika-10 season sa Cebu.

Bukod sa pagdiriwang ng isang dekada ng PVL at Spikers’ Turf, nagsisilbi rin itong malinaw na mensahe na patuloy na lumalawak ang volleyball sa bansa—mula sa Metro Manila hanggang sa mga rehiyong hitik sa talento at suporta.

At sa inaasahang pagdagsa ng masugid na volleyball fans sa Cebu, nakatakdang maging makulay, maingay at makasaysayan ang pagsisimula ng ika-10 season ng PVL at Spikers’ Turf. (PVL/HNT)