MANILA — Tatlong bagong paaralan ang sasabak sa 57th season ng Women’s National Collegiate Athletic Association (WNCAA) na pormal na magbubukas sa Setyembre 5 sa Makati Coliseum.
Kabilang sa mga baguhan ang University of Makati (UMak) na magsisilbing host, De La Salle-College of Saint Benilde Antipolo at University of the East Ramon Magsaysay, na magpapalakas sa 18-team field ngayong season.
Pagkatapos ng opening ceremony ganap na alas-10 ng umaga, sisiklab agad ang aksiyon sa 3×3 basketball alas-11 ng umaga sa paghaharap ng seniors teams ng UMak at San Beda College Alabang.
Magsisimula naman ang volleyball sa Setyembre 6 sa St. Scholastica’s College Manila, habang sa Setyembre 13 ay bubuksan ang regular basketball sa Chiang Kai Shek College gym sa Manila at futsal sa St. Paul College Pasig.
Kabilang sa mga palarong gaganapin sa ikalawang semestre ang badminton, cheerdance at cheerleading, chess, softball, streetdance, swimming, table tennis at taekwondo sa kategoryang kyorugi at poomsae.
Taglay ng Season 57 ang temang “Rise. Shine. Anywhere.”
“Malaki ang paniniwala namin na mahalagang haligi ng holistic education ang pagpapaunlad ng sports,” pahayag ni UMak president Elyxzur Ramos sa ginanap na press conference nitong Miyerkules.
Bukod sa tatlong bagong miyembro, kabilang din sa WNCAA ang Centro Escolar University, Assumption Antipolo, Assumption College, De La Salle Santiago Zobel, La Salle College Antipolo, Miriam College, Philippine Women’s University, St. Jude Catholic School, St. Stephen’s High School, University of Asia & the Pacific at University of Santo Tomas-Angelicum College. (WNCAA/HNT)
