INIHAYAG ni Land Transportation Office (LTO) Head Assistant Secretary Markus V. Lacanilao sa ginanap na Kapihan sa Manila Bay forum ang serye ng mga operasyon at reporma ng ahensya upang palakasin ang seguridad sa kalsada, puksain ang katiwalian, at mapabilis ang serbisyo sa publiko.
Ayon kay Asec. Lacanilao, sinimulan na ng LTO ang paghuli sa mga motoristang gumagamit ng pekeng plaka bilang paghahanda sa mas mahigpit na pagpapatupad simula Oktubre 1, 2026.
Sa kamakailang operasyon, nahuli ang dalawang sasakyang gumagamit ng pekeng plaka ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at LTO, gayundin ng pekeng conduction sticker, blinkers, wang-wang, at sticker ng Kongreso. Isasailalim sa imbestigasyon ang mga drayber, rehistradong may-ari, at ang mga gumagawa o nagbebenta ng pekeng plaka.
Ibinahagi rin ni Asec. Lacanilao na nagbigay ang LTO ng Setyembre 1 hanggang 30 bilang 30-day period para makapag-secure ng Authority to Use. Isususpinde naman ang panghuhuli sa mga gumagamit ng improvised at temporary plates simula Nobyembre 1 matapos matukoy ang mga delay sa delivery at system loading, ngunit mananatiling mahigpit ang enforcement simula Oktubre 1.
Ipinagmalaki ng opisyal na mula Oktubre 2025 hanggang Agosto 2026, aabot sa 93 opisyal at kawani ng LTO ang nahuling sangkot sa fixing activities. Kabilang dito ang 60 miyembrong sinibak o inimbestigahan, 12 opisyal mula sa LTO-NCR (kabilang ang dalawang hepe), siyam mula sa LTO Caraga dahil sa pangingikil, at tatlong security guards.
Bukod dito, 71 suspected fixers ang isinanguni sa DPOS-Quezon City, habang apat ang nahuli sa isang “One Time Big Time Operation.” Inimbestigahan din ng PNP-CIDG ang 90 online accounts sa Facebook at TikTok na sangkot sa online fixing.
Inihayag din ni Lacanilao na naglabas ang LTO ng 2,846 Show Cause Orders (SCOs) sa mga dealers mula Oktubre 2025 hanggang Agosto 2026.
Mula Enero hanggang Agosto 2026, naresolba ang mga kasong ito kung saan 92 dealers ang pinarusahan ng P5,000 multa, 13 dealers ang pinagmulta ng P100,000, 40 dealers ang pinagmulta ng P500,000 at pinatawan ng anim na buwang suspension, habang 16 dealers naman ang nakansela ang accreditation at na-blacklist sa loob ng isang taon.
Nasa 1,361 SCOs din ang inisyu sa mga lumabag na motorista, kung saan mula Oktubre 10, 2025 hanggang Agosto 31, 2026 ay nasa 579 driver’s licenses ang nasuspinde habang 744 naman ang tuluyang binawi (revoked).
Inihayag din ng LTO Chief ang pagpapatupad ng Memorandum No. MVL-2026-4856 alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang magkaloob ng libreng medical examination at courier/delivery fees para sa renewal ng driver’s license ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Sa pamamagitan ng Service Missions, umabot na sa 2,240 OFWs sa Qatar, Brunei, Abu Dhabi, Dubai, Bahrain, Al Khobar, Saudi Arabia, at Kuwait ang nakinabang sa pinabilis na prosesong ito.
Binigyang-diin din ni Lacanilao ang paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng LTO at Bureau of Customs (BOC) upang pigilan ang pagpasok ng mga smuggled at misdeclared vehicles—tulad ng insidenteng kinasangkutan ng aktor na si Derek Ramsay.
Sa pamamagitan ng system interconnectivity, mas mabilis na mai-verify ang Certificate of Payments at Official Receipts ng mga imported na sasakyan bago ito marehistro. (BONG SON)
