Monday , June 29 2026
Aislinn Agnes Yap Princess Aumagel Cortez Jomary Torres Sambo

3 Ginto ng Pinas, pang lima sa Asia-Oceania Sambo

NAGTAPOS sa mataas na nota ang kampanya ng Pilipinas matapos masungkit ang ikatlo at huling gintong medalya sa pamamagitan ni Aislinn Agnes Yap sa pagsasara ng 11th Asia-Oceania Sambo Championships na iniharap ng Philippine Sports Commission (PSC) kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.

Sa harap ng masiglang home crowd, naipagtanggol ni Yap ang kanyang titulo sa women’s -80-kilogram combat sambo matapos pataubin si Zamzagul Faizollanova ng Kazakhstan sa dikit na 1-0 desisyon.

Nagprotesta ang kampo ni Faizollanova sa naging pin-down ni Yap, ngunit matapos repasuhin ng mga technical official ang video replay ay pinagtibay ang naunang desisyon.

Ikatlong gintong medalya ito ng host Philippines kasunod ng panalo nina Jomary Torres at Princess Aumagel Cortez noong Sabado ng gabi sa torneo na isinagawa sa ilalim ng National Sports Tourism Interagency Committee na pinamumunuan ni PSC Chairman Patrick Gregorio.

Naghatid si Torres ng isa sa pinakamabilis na panalo sa torneo nang pabagsakin sa pamamagitan ng eksaktong right roundhouse kick sa ulo si Zhadyra Paiyz ng Kazakhstan ilang segundo pa lamang ang lumilipas sa women’s 50kg combat sambo finals.

Dahil sa lakas ng tama ay hindi na nakabangon nang maayos si Paiyz kaya itinigil ng referee ang laban at idineklara si Torres na panalo sa iskor na 8-0 para sa gintong medalya.

Matapos ang knockout, agad na nilapitan at niyakap ni Torres ang kanyang kalaban bilang pagpapakita ng malasakit at tunay na sportsmanship.

Hindi rin nagpahuli si Cortez matapos manaig kay Mervet Berdhinakova ng Kazakhstan, 9-2, upang maiuwi ang ginto sa women’s 59kg combat sambo.

Bahagyang nabawasan naman ang saya ng host matapos mabigo ang defending champion na si Sydney Sy kontra dating world champion na si Arailym Abenova ng Kazakhstan, 0-6, sa women’s +80kg combat sambo.

Nagdagdag pa ng ikatlong silver medal ang national team rookie na si Jasmaine Henryk Ching, na yumuko via submission kay Gulo Almukhanbetova ng Kazakhstan sa women’s -54kg sport sambo finals.

Sa kabuuan, nagtapos ang Pilipinas na may tatlong ginto, tatlong pilak at walong tanso upang pumuwesto sa ikalimang puwesto sa medal standings ng 22 bansang lumahok sa torneo na inorganisa ng Pilipinas Sambo Federation, Inc.

“Ang sabi namin ni coach Jerry (Legaspi) na dadaanin namin sa suntok pero sabi ko sa sarili ko na maliit ang kalaban ko kaya sinubukan ko. At tumama naman,” ani Torres.

“Malaki ang pinagdaanan ko para makuha ang gintong ito kaya napakasarap sa pakiramdam,” dagdag ng 30-anyos na beteranong miyembro ng national team.

“Deserving si Torres sa gintong medalya. Kumpleto ang kanyang kakayahan at ipinakita niya ang husay na inaasahan namin,” pahayag ni national team head coach Ace Larida.

Hindi naman napigilan ni Sy ang maging emosyonal matapos ang kanyang pagkatalo.

“Gustung-gusto ko talagang manalo pero hindi ito ang araw ko. Gayunman, ipinagmamalaki ko ang naging kampanya ng national team dahil tatlong ginto ang napanalunan namin at nakita namin kung gaano kalaki ang inunlad ng sambo sa bansa,” ani Sy.

Masaya rin si Sambo Pilipinas president Paolo Tancontian sa naging resulta ng torneo.

“Pinatunayan nating muli na kabilang ang Pilipinas sa pinakamahuhusay sa Asya at maging sa buong mundo. Matagumpay nating naidaos ang Asia-Oceania Championships at ang susunod nating target ay ang World Championships,” ani Tancontian. (PSC/HNT)

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About Henry Vargas

Check Also

DOST SOCCSKSARGEN Cotabato PSTO PNP CPPO

CPPO Explores Opportunities in Science and Technology Initiatives with DOST Cotabato

The Department of Science and Technology (DOST) SOCCSKSARGEN – Cotabato Provincial Science and Technology Office …

DOST Lanao del Norte PORTASOL Matungao Cacao Farmers

PORTASOL Technology Ensures Cleaner, Faster Drying for Matungao Cacao Farmers

Traditional open-sun drying leaves hardworking farmers at the mercy of unpredictable weather, leading to high …

DOST Ilocos Region DOST-PCIEERD RnD Proposal Development

‎DOST Ilocos Region, DOST-PCIEERD Strengthen Research Culture Through Capacity Building on R and D Proposal Development

‎To strengthen the research and development (R&D) capabilities of academic and research institutions in the …

Trillanes

Trillanes nagsampa ng kasong cyberlibel vs Cayetano, Marcoleta, 18 ‘Maleta Boys’

INIHAIN dating Sen. Antonio Trillanes IV ang reklamong cyberlibel sa Department of Justice (DOJ) laban …

Jinggoy Estrada

Suspension Order ng korte vs Jinggoy ipinatutupad ng Senado

MAHIGPIT na ipinatutupad na ng Senado ang Suspension Order  laban kay Senator Jinggoy Estrada na …