TANZA, CAVITE — Sa propesyong ang pangunahing sandata ay panulat, kamera, at katotohanan, muling pinaalala sa mga mamamahayag na ang tunay na lakas ay nagsisimula sa disiplina, kahandaan, at pananagutan.
Matagumpay na isinagawa ng Publishers Association of the Philippines, Inc. o PAPI, sa pakikipagtulungan sa Reserve Command o RESCOM ng Philippine Army, ang isang One-Day Gun Safety Training para sa mga mamamahayag at media practitioners noong Hunyo 27, 2026 sa Camp Riego de Dios, Tanza, Cavite.
Layunin ng pagsasanay na palawakin ang kaalaman ng mga kasapi ng media hinggil sa wastong paghawak ng baril, ligtas na pag-iimbak, mga umiiral na batas, at responsableng pagmamay-ari ng armas. Hindi lamang ito nakatuon sa teknikal na aspeto ng firearm handling, kundi higit sa lahat, sa pagpapahalaga sa disiplina, pag-iingat, at tamang pagdedesisyon sa bawat sitwasyon.
Nagsilbing panauhing pandangal si Presidential Task Force on Media Security Executive Director Undersecretary Jose A. Torres Jr., na nagbigay-diin sa kahalagahan ng pagiging handa, disiplinado, at responsable ng mga mamamahayag, lalo na sa gitna ng mga hamon at panganib na maaaring kaakibat ng kanilang tungkulin.
Bilang bahagi ng programa, nag-courtesy call si Usec. Torres kay RESCOM Philippine Army Commander Major General Ronald Jess S. Alcudia, kasama sina PAPI President Rebecca “Beck” Velasquez at PAPI Chairman Nelson Santos.
Nagpahayag din ng buong suporta si Colonel Arnold S. Panaligan, GSC PA, Officer-in-Charge, Chief of Staff at Commandant ng RESCOM Training School, sa isinagawang pagsasanay.
Naging mahalagang bahagi rin ng aktibidad ang mga lecture mula sa mga resource speaker. Tinalakay ni PLT Levie O. Sinatad ang mga batas ukol sa baril at ang responsableng pagmamay-ari nito, habang nagbigay naman ng oryentasyon si PSSg Angelo Carlo C. Vallarta tungkol sa proseso ng pagkuha at pag-renew ng License to Own and Possess Firearms o LTOPF.
Matapos ang mga talakayan, sumailalim ang mga kalahok sa supervised live-firing activity upang maisabuhay ang kanilang natutunan sa ligtas at kontroladong kapaligiran. Sa bawat paghakbang sa firing range, malinaw ang mensahe ng pagsasanay: ang paghawak ng armas ay hindi lamang usapin ng kakayahan, kundi ng matinding pananagutan.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si PAPI President Rebecca “Beck” Velasquez sa RESCOM Philippine Army sa suporta at pakikipagtulungan nito upang maging matagumpay ang aktibidad. Aniya, ang pagsasanay ay hindi lamang nagbigay ng praktikal na kaalaman sa media practitioners, kundi nagpalalim din ng kanilang pag-unawa sa kahalagahan ng disiplina, responsableng pagmamay-ari, at kaligtasan.
Binigyang-diin ng aktibidad ang patuloy na adhikain ng PAPI na itaguyod ang propesyonalismo, kahandaan, at responsibilidad sa hanay ng Philippine media. Sa panahon kung kailan ang mga mamamahayag ay patuloy na gumaganap ng mahalagang papel sa paghahatid ng katotohanan at serbisyo publiko, mahalagang kasabay ng tapang ang wastong kaalaman at pag-iingat.
“Focus and discipline are essential — not only in writing the truth, but also in handling responsibility at the firing range.”
— G.I.E.C.E.L VP-Visayas
Sa huli, pinatunayan ng pagsasanay na ang tunay na propesyonal ay hindi lamang mahusay sa tungkulin, kundi marunong ding kumilala sa bigat ng bawat responsibilidad — sa larangan man ng pamamahayag o sa firing range.
#papi
#rescomphilippinearmy
#GunSafetyTraining
#mediapractitioners
#responsiblefirearmownership
#PhilippineMedia
#campriegodedios
#PTFoMS
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com