HATAW News Team
TATLONG kabataang estudyante ang napaslang habang umakyat na sa 20 ang iniulat na nasaktan at sugatan sa naganap na pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City, Leyte kahapon, Lunes ng umaga, 22 Hunyo, ayon sa pulisya.
Sa ulat, nabatid na umabot sa 40 basyo ng bala ang nakuha sa crime scene.
Edad 14 at 15 anyos ang mga suspek na basta na lamang namaril sa loob ng San Jose National High School, pahayag ni PLt. Evalyn Diaz sa mga mamamahayag kaugnay ng karahasang sumaklot sa mga mag-aaral na mabilils na nagsitakbo upang humanap ng mapagtataguan.
Isang 52-anyos guro sa Araling Panlipunan ang nagsabing nasa gitna siya ng pagtuturo nang makarinig siya ng marami at malalakas na putok ng baril.
Ani Irvin Nogar, “Nakita ko ang namamaril patungo sa aming lugar kaya sinabihan ko ang mga estudyante na pumayapa at magtago sa ilalim ng kanilang mga desk saka ko ikinandado ang pinto. Nag-iiyakan at natataranta ang mga estudyante.”
Sa isang video na ibinahagi ng ABS-CBN News, nakita ang mga natatarantang Kabataang estudyante, sumisigaw at nag-iiyakan na naghahanap ng matataguan sa loob ng silid-aralan habang nagpapatuloy ang pamamaril.
Sa isa pang video, nakalabas ng paaralan ang ilang mga estudyante at mga guro, ang iba sa kanila ay nag-iiyakan, habang ang isang babaeng estudyante na sugatan ay binuhat palabas ng kanilang mga kasamahan.
Kompirmadong mga estudyante ang tatlong napaslang.
Ayon sa pulisya, ang dalawang suspek sa pamamaril ay naaresto na kabilang ang estudyanteng Grade 9 mula sa nasabing paaralan.
MAY-ARI NG MGA BARIL NATUKOY
Nabatid na ang baril na ginamit sa pamamaril ay pag-aari ng isang policewoman na sinabing tiyahin ng isang suspek habang ang isa pang baril ay mula sa
isang security agency, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Nauna rito, idineklara ng Police Regional Office Eastern Visayas (PRO 8) na nakarekober sila ng kalibre .38 revolver at isang 9mm Glock pistol mula sa dalawang suspek na kapwa menor de edad.
Isang Jennelyn Badoria, ina ng napaslang na 15-anyos estudyante, ang nagpahayag na naniniwala siyang kung sino ang nagbigay ng baril sa mga namaril ay dapat din managot.
“Hinihiling ko na pati may-ari ng baril ay sampahan ng kaso, dahil hindi mapupunta sa kamay ng isang kabataan ang armas kung hindi sila ang may-ari,” pahayag ng ginang.
Anang pulis na si Diaz, isa sa narinig nilang motibo ng pamamaril ay ‘bullying’ habang patuloy ang interogasyon sa dalawang suspek.
“Kinukuha pa namin ang mga baril, ite-check pa kung saan nila nakuha, at kung paano nila nadala sa loob ng eskuwelahan,” ani Diaz.
“Kasalukuyan silang nasa police station isinasailalim sa imbestigasyon kasama ang kanilang mga magulang dahil sila ay mga menor de edad.”
DOJ, PNP PATULOY SA IMBESTIGASYON
Ayon sa Department of Justice (DOJ), ang mga opisyal ng Tacloban City Police Office (TCPO) at Office of the City Prosecutor of Tacloban ay may koordinasyon sa isa’t isa habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente ng pamamaril sa San Jose National High School.
Ipinahayag ng DOJ, ang mga awtoridad ay kasalukuyang nangangalap ng mga materyal, mga detalye, kabilang ang pagkakakilanlan ng mga biktima at ng mga taong hinihinalang sangkot gayondin ang mga sirkumstansiya at posibleng motibo sa likod ng insidente.
“Pinapayagan ng Departamento ang law enforcement agencies at ang prosekusyon na kompletohin ang imbestigasyon, alunsunod sa mga naaangkop na pananggalang sa ilalim ng batas, lalo na’t kinasasangkutan ng mga child/children in conflict with the law (CICL),” pahayag ng DOJ.
Idinagdag ng DOJ na may koordinasyin din sila sa Office of the Regional Prosecutor of Region VIII upang matukoy ang katotohanan sa insidente ng pamamaril.
DepEd ALERTADO NA
Pagkatapos ng insidente sa Tacloban, nagpahayag na ang Department of Education na ang pamamaril ay klasipikadong “high-alert situation” at sinabing ang kanilang mga tauhan ay mahigpit na nakikipag-ugnayan sa mga awtoridad ng paaralan at pulisya.
“To address the immediate emotional toll of this tragedy, the Department is working hand-in-hand with relevant government agencies to deploy critical medical assistance and appropriate psychosocial interventions for the affected learners and personnel,” pahayag ng ahensiya.
Dagdag ng DepEd, “We strongly condemn this act of violence and extend our deepest condolences to the families of the victims, as well as our earnest prayers for the swift recovery of those who were injured. The Central Office is now mobilizing assistance to our affected learners.”
Hinikayat ng DepEd ang publiko na irespeto ang privacy at dignidad ng mga kabataang sangkot at hayaan ang mga tamang awtoridad na isagawa ang ganap at walang kinikilingang imbestigasyon.
“The safety, well-being, and mental health of our learners and personnel remain among the Department’s highest and most uncompromisable priorities. We remain committed to ensuring that our schools are secure, supportive environments for all,” pahayag pa ng DepEd.
KARAHASAN SA MGA PAARALAN
Nauna rito, dalawang insidente ng karahasan ang naganap sa dalawang paaralan sa Cavite na kinasasangkutan ng mga kabataang estudyante sa loob lamang ng tatlong araw.
Noong 16 Hunyo, isang 14-anyos estudyante sa Grade 8 ang pumasok sa silid-aralan ng Grade 5 sa General Trias at sinaksak ang pitong mag-aaral gamit ang kutsilyong pangkusina habang wala ang mga guro.
Noong 19 Hunyo, dalawang 18-anyos estudyante sa Cavite National High School ang nag-away, at nagtapos sa pagsugat ng isa ang kanyang kapwa mag-aaral gamit ang patalim.
Isinawalat din ng mamamahayag na si Robert Roque sa kanyang kolum na Firing Line, ilang araw bago ang mga insidente sa Cavite, isang estudyante sa Bacolod City ang nakapatay sa kanyang guro sa pamamagitan ng pananaksak.
Aniya, “Hindi lang ngayon nagaganap ang mga ganitong karahasan sa mga paaralan.”
Ani Roque, “Noong 2025, isang 14-anyos babae ang pinatay ng kaklase sa loob ng kanilang silid-aralan sa Parañaque. Sa Lanao del Sur, isang estudyante ang umano’y bumaril sa kanyang guro dahil sa bagsak na marka. Sa Nueva Ecija, isang alitan ng mga kabataan ang nauwi sa pagpatay at pagpapakamatay sa loob ng paaralan.”
Suspendido na ang mga klase sa San Jose Central School at Manlurip Elementary School sa Tacloban.
PAHAYAG NG TACLOBAN CPO
Sa pahayag ng Tacloban City Police Office (TCPO), mariin nilang kinokondena ang nasabing insidente ng pamamaril.
“At present, law enforcement authorities are conducting an extensive investigation to determine the circumstances surrounding the incident, identify all persons involved, and establish the motive behind this unfortunate event. Appropriate police operations are likewise being undertaken to are held accountable under the full force of the law,” pahayag ng pulisya.
Kinompirma ni PNP public information chief Col. Allen Rae Co na ang 9mm Glock ay inisyu sa policewoman na nakatalaga sa PRO8.
“The subject policewoman is now under investigation and placed under the custody of the regional police office,” pagtitiyak ni Co.
Idinagdag ni Co, “[Meanwhile,] the caliber .38 revolver is registered to a security agency in Cebu City.”
Umabot sa 40 basyo ng bala ang nakuha ng mga imbestigador sa crime scene, pagdedetalye ng information chief.
Kinilala ni Co ang mga suspek sa alyas na Nash, 14; at Rod, 15, sa insidente ng pamamaril na naganap dakong 9:00 am kahapon nang pagbabarilion ng dalawang Kabataan ang dalawang silid-aralan sa nasabing paaralan.
Espisipikong tinukoy ng public information chief na si alyas Nash ang may hawak ng baril na 9mm ng policewoman.
Ani Co, nakapagresponde ang lokal na pulisya sa loob ng dalawang minuto, at agad nadakip si alyas Rod
na may natirang limang bala sa magazine ng baril; habang si Nash ay may natirang tatlong bala sa magazine.
TINGOG PARTYLIST NANGAKO NG TULONG
Nangako ang Tingog Party-list nitong Lunes na tutulungan ang mga estudyanteng nasugatan sa pamamaril sa isang high school sa Tacloban City, pati na ang kanilang mga pamilya at ang mga naulila ng tatlong estudyanteng binawian ng buhay.
Sa isang pahayag, sinabi ng grupo na nakikipag-ugnayan na sila sa mga kaukulang ahensiya para magpaabot ng tulong sa ospital, medical assistance, at mental health support.
“Sa mahirap na oras na ito, ang una nating responsibilidad ay alagaan ang mga biktima at ang kanilang mga pamilya. Ang Tingog Party-list ay kasalukuyan nang nakikipag-ugnayan sa mga sangkot na ospital, sa Tacloban City Government, Department of Education (DepEd), at mga kaugnay na pambansang ahensiya para masigurong magamot nang maayos ang mga sugatang estudyante,” anila.
Sinabi ng grupo na magbibigay sila ng tulong para sa hospital bills, gamot, laboratory requirements, follow-up treatment, pamasahe, at iba pang agarang gastusing medikal.
Nangako silang mag-aayos ng mental at psychosocial support para sa mga apektadong pamilya.
“Alam ng Tingog Party-list na ang sugat mula sa trahedyang ito ay higit pa sa pisikal na pinsala. Ang psychosocial support ay dapat maipadala agad sa mga nagdadalamhating pamilya, sa mga sugatang estudyante, sa kanilang mga kaklase, guro, school personnel, at sa buong San Jose community,” dagdag ng grupo.
Makikipagtulungan ang party-list sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), DepEd, mga health professional, guidance counselor, faith communities, at local government partners para magbigay ng grief counseling, trauma debriefing, crisis intervention, at tuluy-tuloy na mental-health support.
Nakiisa rin sila kay Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez sa panawagan para sa mabilis at masusing imbestigasyon sa insidente.
“Humihingi kami ng isang masusi, mabilis, at patas na imbestigasyon kung paano nangyari ang trahedyang ito, kasama kung paano nakapasok ang mga baril sa loob ng paaralan at kung anong mga hakbang ang dapat palakasin para maprotektahan ang mga mag-aaral at guro. Dapat panagutin ang mga may sala nang naaayon sa batas at may kaukulang pag-iingat dahil may mga menor de edad na sangkot,” pahayag ng grupo.
Nagpahayag din sila ng matinding kalungkutan at nakiramay sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay.
“Kasama ng aming mga puso ang mga pamilyang nagpapasan ngayon ng hindi mabilang na sakit, ang mga sugatang estudyante at ang kanilang mga mahal sa buhay, at ang bawat guro, kaklase, at school personnel na nagulat at natakot sa karahasang ito.
“Sa mga pamilyang nawalan ng anak, nakikiramay po kami sa inyo. Sa mga sugatan at mga estudyanteng na-trauma hindi kayo nag-iisa. Ang Tingog Party-list ay kasama ng San Jose National High School community at ng mga mamamayan ng Tacloban City sa dasal, pakikiisa, at konkretong aksiyon, upang magsimula ang paghilom at upang ang bawat mag-aaral ay makabalik sa paaralan nang may kaligtasan, dignidad, at pag-asa.”
Nanawagan ang organisasyon para sa mga hakbang tungo sa mas ligtas na mga paaralan.
“Ang paaralan ay dapat laging maging lugar ng pag-aaral, kaligtasan, pagkakaibigan, at pag-asa. Ang pagkawala ng mga batang buhay sa loob ng campus ay nagbibigay-sugat sa buong Tacloban community at tinatawag tayong lahat na tumugon nang may bilis, malasakit, at determinasyon.
Sinusuportahan ng Tingog Party-list ang mas malakas at pangmatagalang mga hakbang para sa mas ligtas na paaralan: mas masusing koordinasyon sa pagitan ng mga paaralan, magulang, barangay, pulisya, mental-health professionals, at local government units; madaling maiulat na channels para sa mga banta at warning signs; pinalakas na school security protocols; at mga programa na nagtataguyod ng kapayapaan, responsableng pag-ayos ng away, at pangangalaga sa well-being ng bawat mag-aaral,” pagtatapos nito.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com