IBINUWIS ng isang guwardiya ang sariling buhay sa pagtupad ng kanyang tungkulin matapos harangin at labanan ang holdaper sa Starmall, San Jose Del Monte City, sa lalawigan ng Bulacan, nitong Martes ng gabi, 22 Oktubre.
Sa ulat mula sa San Jose del Monte (SJDM) City Police Station (CPS), kinilala ang napaslang na biktimang si Ronnie Pascua, residente sa Bgy. Bagong Buhay, sa nabanggit na lungsod.
Ayon kay P/Lt. Col. Orlando Castil, hepe ng SJDM City police, hinoldap ang isang bayad center sa nasabing mall at sinubukang harangan ni Pascua ang papatakas na holdaper hanggang nauwi sa pagpapambuno ng dalawa.
Nang makakuha ng tiyempo ay malapitang binaril ng holdaper ang guwardiya saka nagmamadaling lumabas upang tumakas.
Kasalukuyang tinutugis ng pulisya ang nakatakas na suspek samantala inaalam ang halagang nakulimbat sa niloobang bayad center.
Ang Starmall ay pag-aari ng pamilya nina Senator Cynthia Villar at sister company ng kasalukuyang water concessionaire na Prime Water sa nasabing lungsod.
(MICKA BAUTISTA)