MUKHANG hindi na ‘magkandaugaga’ ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para makapag-operate ang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX).
Noong una, ang pagkaunawa natin, ang PTIX ay nilikha para ang lahat ng provincial buses ay doon na lamang magte-terminal.
Pero hindi naman ganoon ang nangyari, dahil ‘yung mga kilala at malalaking kompanya ng transportasyon ay hindi napapasok ng LTFRB sa PTIX.
Ang rason ng nasabing malalaking transportation companies, hindi na sasakay ang mga pasahero patungong south Luzon na nasanay na sa terminal sa Maynila at sa Pasay City.
Sabi pa ng LTFRB, baka ang PTIX na raw ang lulutas sa isyu ng illegal terminals. Pero hindi nangyari at nanatili ang mga bus terminal sa Maynila, Quezon City at Pasay City.
Nagkaroon pa nga ng isyu at tsismis na may pinaboran ang boss ng Department of Transportation (DOTr) kaya nananatili sa Metro Manila ang terminal ng malalaking kompanya ng bus.
In short, nilangaw ang PTIX at kahit ang mga pasahero ay hindi pumupunta roon dahil hanggang 9:00 pm lang ang operation.
Wattafak!
Ano ‘yan bus terminal sa malayong probinsiya na limitado ang operasyon?!
At dahil palpak, sablay at hindi nangyari ang inaasahan ng kung sino mang ‘henyo’ sa likod ng PTIX, nagbubukas sila ngayon ng 20 bagong ruta na ang end route ay sa PTIX.
Hindi lang isang uri ng public utility vehicle (PUV) ang pinag-a-apply ngayon ng LTFRB para sa bagong prankisa para sa PTIX .
Batay sa LTFRB Memorandum Circular 2019-005 na inisyu nitong Miyerkoles, 23 Enero, bukas sila sa 10 public utililty buses, 2 UV Express o Class 3 public utility jeepneys, 8 Class 2 PUJs.
Ang mga interesadong operators aypinag-a-apply nila sa mga sumusunod na ruta: PUB PITX – Ternate, Cavite (30 units); PITX – Alfonso/Mendez, Cavite (28 units); PITX – Palapala/Dasmariñas, Cavite (30 units); PITX – Silang, Cavite (38 units); PITX – Tagaytay City, Cavite (38 units); PITX – Cavite City, Cavite (15 units); PITX – Indang, Cavite (35 units); PITX – Manggahan, General Trias, Cavite (35 units); PITX – Lancaster New City, Cavite (15 units); PITX – Nasugbu, Batangas via Ternate (20 units); UV Express Van or Class 3 PUJ PITX – Alabang, Muntinlupa (33 units); PITX – Tanza, Cavite (38 units) Class 2 PUJ; PITX – Bayan Luma, Imus, Cavite (50 units); PITX – Alabang, Muntinlupa (33 units) PITX – Tanza, Cavite (38 units); PITX – Bicutan, Parañaque via East Service Road (20 units); PITX – Bicutan, Parañaque via West Service Road (20 units); PITX – Sucat, Parañaque via Sucat Avenue (33 units); PITX – Blumentritt, Manila (55 units); PITX – Bacoor, Cavite (28 units).
Sa bawat ruta ay isa lamang ang pagbibigyang applicant pero kinakailangan na may kakayahan silang magbigay nang sapat na sasakyan para sa modernization plan ng DOTr.
At siyempre roon lang nila ibibigay ‘yan sa may kakayahang mag-comply na sumunod sa guidelines na itinakda ng public utility vehicle (PUV) modernization program ng pamahalaan.
Sa ilalim ng modernization plan, ang pinapayagan ay PUVs na less than 15 years ang existence. Kailangan umano ay environment-friendly at may safety features. Kailangan din na Euro 4 engines o mas mataas pa ang sasakyan.
At marami pang ibang rekesitos.
Sa madaling sabi mga suki, ang PTIX, hangga’t walang gumagamit bilang transportation bay and terminal ay magiging isang ‘white elephant.’
Tsk tsk tsk…
Ilang bilyong piso nga ang ginastos para maitayo ang PTIX?!
Paging DOTr!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap