NAGULAT tayo nang napanood natin sa telebisyon nitong mga nakaraang araw ang pagpapasa ng mga estudyante ng kanilang application form para sa UPCAT.
Hindi natin maintindihan kung paano naghanda ang Admission Office ng University of the Philippines (UP) sa Diliman gayong alam naman nila na marami talagang mag-a-apply dahil wala nang bayad ang application at kung sakaling makapasa ang estudyante ay wala na rin tuition fee.
Noong bisperas pa lamang ng deadline, maraming aplikanteng estudyante ang nag-camp-out para maaga silang makapila kinabukasan.
Ibig sabihin, kung nakita ng UP Admission Office ang sitwasyon noong gabi pa lamang ay maaga na silang nakapaghanda sa pagdagsa ng mga magulang at estudyante.
Kung kulang man sila sa staff, napakadali namang mag-hire ng student assistants ‘di ba?!
Hindi natin alam kung ano ang problema ng UP sa paglalagay ng mga staff pero mukhang kulang talaga.
Hindi lang ‘yan sa UPCAT.
Sa katunayan, isang kaanak natin na kumuha ng UP Law Aptitude Examination ang inabot ng dalawang buwan kahihintay bago lumabas ang resulta. Lumabas na ang resulta ng ibang law school or university na pinagkuhaan niya, pero ‘yung sa UP umabot nang dalawang buwan?!
Kung ‘yan ay dahil sa pagiging metikuluso ‘e parang sobra naman ‘yung dalawang buwan bago mailabas ang resulta. High tech na po tayo ngayon.
Anyway, alam naman nating matatalino at mahuhusay ang mga namamahala sa UP, sana lang po, huwag nang maulit ang kagayang senaryo na marami ang nasaktan, hinimatay, nadesmaya at nagutom para lamang makakuha ng UPCAT.
Pahalagahan po natin ang mga kabataang nagsisikap na maging mabuting mamamayan. At higit sa lahat, huwag po natin kalimutan ang sinabi ni Gat Jose Rizal, “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.”
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap