Friday , November 22 2024

There’s a joke but not really?! (Sa P3.5-B Dengvaxia scam)

ISANG joke ang nabasa ko kamakailan…

Corny pero ganitong-ganito ang bumulaga sa sambayanang Filipino nang mabuyangyang ang P3.5 bilyong Dengvaxia scam — o ‘yung sakuna ‘este bakuna na sinasabing aaresto sa virus na dala ng lamok na pinagmumulan ng dengue.

Ganito po ang joke: Isang nanay ang tumawag sa 911 at sinabing nakakain ng langgam ang kanyang 3-year old baby son. Sabi ng 911: “Okey lang po ‘yan, painumin ng tubig para mailabas niya agad ‘yung langgam.” Pero sabi ng nanay: “Binigyan ko siya at pinainom ng pesticide para mamatay agad ang langgam.” Doon nataranta ang 911 at sinabi sa nanay: “Papunta na kami riyan at dadalhin natin sa ospital ang anak ninyo!”

Joke ‘yan, medyo corny pa, pero ganyan po natin mailalarawan ang nagaganap ngayon na ‘scam’ sa DENGVAXIA vaccine na produkto ng kompanyang Sanofi bilang proteksiyon daw laban sa dengue virus.

Ang Dengvaxia vaccine ang libreng bakuna na ipinasaksak ng Department of Health (DoH) sa mga mag-aaral sa pampublikong paaralan.

Wala naman daw pilitan. Kung ayaw daw ng magulang at ng anak hindi raw pipilitin.

Sa madaling sabi, ayon mismo sa datos ng DoH, umabot sa 733,713 ang mga nabakunahan ng Dengvaxia.

At nasa ganitong bilang ang DoH nang biglang magsalita ang Sanofi at sinabing sa kanilang mga pag-aaral ngayon, lumabas na ang nabakunahan ng Dengvaxia ay maaari pa rin magkaroon ng Dengue.

Wattfak!?

Ibig sabihin hindi garantiya na ligtas na sa Dengue kapag nabakunahan ng Dengvaxia.

Araykupo!

P3.5 bilyones ang pinakawalan ng nakaraang gobyerno para sa bakuna na ‘yan, pero ang lumalabas ay ‘naholdap’ ang sambayanang Filipino?!

Sonabagan!!

Inihayag kamakalawa ni Spokesperson Harry Roque: “We will leave no stone unturned in making those responsible for this shameless public health scam which puts hundreds of thousands of young lives at risk accountable.”

Pero ang nakaiinis dito, ito ‘yung sinabing minadaling project nina dating Pangulong Benigno Aquino III at dating Health Secretary Janet Garin — ang pagbili sa P3.5 bilyong halaga ng Dengvaxia vaccine mula sa kompanyang Sanofi noong Ene­ro 2016 kahit hindi pa ito aprobado ng World Health Organization.

Petmalu!

Sa ngalan ng pinuno, ng bulsa, at lifetime perks and priveleges mula sa Sanofi, minadali ang implementasyon ng Dengvaxia vaccine?!

Ngunit mayroon pang isang pero rito, bakit noong inilalarga ang bakunahan, hindi nagsalita ang Sanofi? Bakit hinintay muna nilang mailarga sa 733,713 katao na karamihan ay mga paslit na mag-aaral ang P3.5 bakunang Dengvaxia bago sila nagpahayag ng resulta ng kanilang pag-aaral?!

At sino ang ginawa nilang guinea pigs sa kanilang bagong pag-aaral? Ang 733,713 naunang nabakunahan mula sa National Capitol Region, Region III at Region IV-A?

Kaya ba nasasabi na nila ngayon kung ano ang epekto nito sa mga nabakunahan? Ayon umano sa kanilang pag-aaral at pananaliksik?

At sino-sino ang tongpats at kumita sa multi-billion deal na ito na ang ginamit na eksperimento ay mga paslit na mag-aaral natin?

Ang DoH na dapat sana’y nangangalaga sa kalusugan at kaligtasan ng mamamayan lalo ng mga kabataan e nagiging instrumento pa para mapagsamantalahan ang sambayanan.

Naniniwala tayo sa salita ni Presidential Spokesperson na paiimbestigahan at ipasusudsod ng Palasyo kung ano ang nasa likod ng deal na ‘yan.

Kahit na nga nagsabi na si Presidential Spokesperson Roque na inilinaw umano ng Sanofi na 1:10 ang ratio ng mga nabakunahan na pero puwede pa raw madapuan ng Dengue.

Pero hindi raw nakamamatay na Dengue kundi ‘yung lalagnatin lang umano at magkakapasa ang pasyente.

(By the way Sec. Roque, subukan mo kayang magpabakuna nito gaya ng ginawa mong pagsakay sa MRT?)

Ang pangamba natin rito, noong una nga si­nabi ng government officials — ng dating Pangulo (Noynoy), ng dating DoH Secretary na si Jannette Loreto Garin at ng Department of Education (DepEd) officials na safe umano ang Dengvaxia — pero ngayon sinasabi nila na mayroon pa rin tatamaan after three years.

Secretary Roque, naniniwala pa rin ang sambayanang Filipino na dapat panagutin kung sino ang nasa likod ng P3.5-bilyong Dengvaxia scam. Kung sino ang mga nakinabang at hindi lang ngayon kundi hanggang sa panahon na may lumitaw na epekto nito sa mga nabakunahan.

‘Yan ang gustong marinig ng sambayanan na garantiya mula sa Palasyo.

Aasahan po namin ‘yan, Secretary Roque!

KALIGTASAN NG MGA BATA
LABAN SA SIDE EFFECTS
NG DENGVAXIA IPINATITIYAK
NI VP LENI ROBREDO

PARA kay Vice President Leni Robrerdo, kaligtasan ng mga paslit na mag-aaral ang importante lalo na ‘yung mga nabakunahan ng Dengvaxia.

Hindi lang sila iilan, marami sila. At kahit na sabihing 1:10 lang ang ratio niyan, mayroong isa na magpapasan ng kapalpakan ng nakaraang administrasyon na nagkataong mga kasama niya sa Liberal Party.

At hindi lang ‘yan.

Sinabi ni VP Leni na lahat ng sumalaula sa immunization program ng pamahalaan ay da­pat panagutin!

Mukhang sa puntong ito ay iisa ang pana­naw nila ng Palasyo at ng Department of Justice, panagutin ang mga nagsabwatan para madaliin ang deal sa Dengvaxia vaccine.

Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, inatasan na niya ang National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan kung sino ang government officials na dapat managot ang mga nag-aproba para bilhin ang Dengvaxia vaccine ng French pharmaceutical company na Sanofi Pasteur.

Sabi ni VP Leni: “This should be seriously studi­ed and those who should be held accountable must be held accountable.”

Buhay ng mga batang mag-aaral ang nakasalalay dito kaya dapat managot ang mga nagpakana at pasimuno ng proyektong ito.

Kasangga mo kami riyan, Madam Vice Pre­sident!

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

BULABUGIN
ni Jerry Yap

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Sir Jerry Yap JSY Ed de Leon

Sa unang Pasko na wala siya
JSY HINDI NAKALIMOT SA MGA EMPLEYADO

ni ED de LEON AYOKONG isipin na wala na si Boss Jerry. Ang laging nasa …

Sir Jerry Yap JSY Nino Aclan

JSY, the best boss that i’ve ever met

ni Niño Aclan SIR JSY is the “Best Boss” that I’ve ever meet. Ganito ko …

Sir Jerry Yap JSY Bong Son

Totoong tao, tunay na kaibigan, best boss ever

ni BONG SON TUNAY na ako’y napahanga sa ipinakitang pagmamahal ng publisher ng HATAW Diyaryo …

Sir Jerry Yap JSY Ms M

Forever grateful kay JSY

ni Maricris Valdez-Nicasio COOL boss. Ganito ko sabihin at ilarawan ang aming publisher na si …

Sir Jerry Yap JSY Rose Novenario

Matatag, maaasahan, may paninindigan
PINAKAMATAAS NA PAGSALUDO SA IYO, SIR JERRY!

ni ROSE NOVENARIO KUNG ilalarawan ko ang pagkatao ni Jerry Sia Yap bilang employer at …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *