BILIB tayo ngayon sa bagong pamunuan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa pangunguna ni ret. Gen. Alexander Balutan bilang general manager.
Seryoso, dedikado at determinado si GM Alex Balutan na tuluyang maipahinto ang mga ilegal na sugal lalo na ‘yung ginagamit ang sistema ng programa ng PCSO gaya ng Small Town Lottery (STL).
Kung matatandaan, mayroong mga naglabasang balita na ang bagong palaro ng PCSO ay “Peryahan ng Bayan” kapalit umano ng STL. Pero mukhang iyon ay grand media operations ng mga gambling lords. Kaya nanindigan ang PCSO at inilinaw sa publiko na walang awtorisasyon at superbisyon nila ang “Peryahan ng Bayan.”
Malungkot ang PCSO dahil hanggang ngayon ay namamayagpag pa ang nasabing illegal gambling sa buong bansa lalo sa Metro Manila.
Nararahuyo ang ilan nating mga kababayan na tumaya sa nasabing ilegal na pasugal dahil ginagamit nga ang PCSO pero sa katotohanan ay hindi kumikita at hindi nakikinabang ang gobyerno at ang mamamayang Filipino.
All-out war laban sa ilegal na sugal gaya ng jueteng, virtual 2, masiao, swertres, at kasama na riyan ang peryahan, ang idineklarang Executive Order No. 13 ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte pero nakapagtataka na namamayagpag pa rin ang ilegal na Peryahang Bayan sa buong bansa lalo sa Metro Manila.
Sistema ng jueteng ang ginagamit sa palarong peryahan. Pipili ang mananaya ng dalawang kombinasyong numero mula 1 hanggang 38. Inililista ang itinatayaang mga numero gamit ang gadget.
Ayon mismo sa PCSO, ang jueteng at iba pang numbers game at ang peryahan ay nagdudulot ng malaking pagkalugi sa revenue collections ng ‘expanded’ Small Town Lottery (STL).
Kitang-kita natin ang pagsisikap ng PCSO na tuldukan ang ilegal na sugal pero mukhang hindi nararamdaman ng publiko ang sigla at sigasig ng ilang law enforcement agency para tulungan sila.
Nakikiisa bang talaga ang Department of Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP), at National Bureau of Investigation (NBI) sa PCSO para masawata nang tuluyan ang ilegal na sugal?
Anemic pa rin kaya ang PNP sa pagtulong nila sa PCSO para sudsuurin ‘yang mga ilegal na sugal na ‘yan?! How about DILG and NBI, masigla ba naman ang kanilang anti-illegal gambling operations?!
Alam po ba ninyo, mga suki, kung patuloy na mamamayagpag ang ilegal na sugal laban sa legal na STL, Lotto at iba pang produkto ng PCSO, na tanging legal na lottery game sa bansa, e marami tayong mga kababayan na nangangailangn ng tulong ang mapapabayaan.
Sa kasalukuyan kasi, mayroong 92 aprubadong Authorized Agent Corporations (AACs) na binigyan ng PCSO ng awtorisasyon para maglaro ng STL. Mahigit P1 bilyon kada buwan ang koleksiyon mula sa palarong STL at diretso ang kita sa kaban ng gobyerno.
Ang 30 porsiyento sa kabuuang kita mula sa STL at iba pang lottery game ng PCSO gaya ng Lotto, Keno, EZ2, at Suertres ay awtomatikong napupunta sa pondo ng serbisyo’t kawanggawa pambili ng gamot at gamit medikal na ipinamamahagi nang libre sa mamamayan lalo sa mga kapos-palad nating kababayan.
Isa po iyan sa dahilan kung bakit dapat makiisa ang mga mamamayan sa kampanya laban sa ilegal na sugal.
Suporatahan po natin ang PCSO laban sa ilegal na sugal.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com