HINDI bababa sa 12 pasahero at driver ang sugatan matapos ararohin ng isang dump truck ang walong sasakyan sa Brgy. Luntal, sa bayan ng Tuy, lalawigan ng Batangas, nitong Sabado ng umaga, 1 Marso.
Ayon sa pulisya, minamaneho ang dump truck, may plakang NAV-6092 ng isang Jake Esperon, 48 anyos, sa pababang bahagi ng kalsada nang mawalan ito ng preno at bumangga sa isang bus ng Batman Star Express na minamaneho ni Florencio Ramos, 49 anyos, at pito pang nakaparada at walang sakay na mga sasakyan – kabilang ang tatlong multi-purpose vehicles (MPV), isang kotse, dalawang motorsiklo, at isang tricycle – bago huminto sa harap ng isang convenience store.
Sugatan ang driver ng dump truck at ang 11 pasahero ng bus na dinala sa Don Manuel Lopez Memorial District Hospital sa Balayan, at Apacible Memorial District Hospital sa Nasugbu, parehong sa nabanggit na lalawigan.
Nabatid na patungo ang truck sa Mendez, Cavite mula sa Calaca, Batangas nang maganap ang insidente.
Nagsasagawa ang pulisya ng follow-up investigation kaugnay ng insidente.