Sunday , November 28 2021
AKSYON AGAD ni Almar Danguilan
AKSYON AGAD ni Almar Danguilan

Quezon Gov. Suarez, sabit ba sa nawawalang P102-M pondo ng lalawigan?

AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan

MALVERSATION of public funds, ito ang napaulat na posibleng kaharaping kaso ni Quezon Governor Danilo “Danny” Suarez.

Bakit naman? Mabigat na akusasyon ito ha.

Napaulat, base sa report ng Commission on Audit (COA), may nawawalang P102 milyong pondo ng lalawigan. Wow! Ang laking halaga. Sinasabing ang pondo raw ay ginamit sana para sugpuin ang pagtaas ng CoVid-19 sa lalawigan ng Quezon.

Gano’n ba? Pero hindi ako ang may sabi nito, kung hindi base sa napaulat ha.

Sa tala ng Department of Health (DOH), ang lalawigan ang nananatiling may pinakamataas na bilang ng biktima ng pandemya at pinakamababang vaccination rate sa buong CALABARZON 4-A.

Sa annual report ng COA, mayroong malaking P102,131,859.46 ang sinasabing nawawala mula sa kaban ng bayan sa lalawigan.

Totoo ba ito Gov? Malaking halaga ito ha.

Batay sa pagsusuri ng COA, malaki  ang diperensiya sa kasalukuyang cash-in-bank (CIB) at asset accounts ng probinsiya.

Sa ulat pa rin ng COA, ang nawawalang pondo ay mga koleksiyong hindi nai-remit ng collecting officers sa Tanggapan ng Tesorero ng probinsiya mula sa 14 provincial hospitals at ilang milyong pisong unliquidated cash advances sa tanggapan ng gobernador simula 2019.

Inabisohan na ng COA si Governor Suarez na bigyan ng direktiba ang tesorero para sabihan ang collection officers na i-remit na sa probinsiya ang mga nasabing pondo, sapagkat umaabot sa 79 araw ang delays sa remittance.

Sinasabi pa sa ulat, sa kabila ng pag-abiso sa ama ng lalawigan ay hindi pa rin nagsumite ang provincial government ng disbursement reports para sa mga ginastos na salapi ng probinsiya na isang requirement ng COA memorandum circular 2012-001.

Ayon sa batas, nararapat magsumite ang isang opisyal ng gobyerno ng mga dokumentong magpapatunay kung saan at ano ang pinaggamitan ng pera ng taongbayan. Maaaring sampahan ng kaso ng pamahalaan ang isang local official ng pandarambong o embezzlement ng pondo bunga ng kawalan ng nasabing disbursement reports.

Posibleng makulong ng 40 taon at mawalan ng karapatang makatakbo sa anomang posisyon sa pamahalaan ang isang akusado sa malversation of public funds o ang isang opisyal sa ilalim ng Articles 217 at 218 ng Revised Penal Code of the Philippines.

Maaari rin sampahan ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at sa Code of Ethics (R.A. 6713) ng mga pampublikong opisyal ang isang local chief executive kung hindi niya susundin ang COA rules. 

Ito ay maaaring ikatalsik niya sa kanyang puwesto at diskalipikasyon na humawak ng kahit na anong posisyon sa pamahalaan.

Naku po, napakabigat pala ng kaparusahan kapag napatunayan na mandarambong ang isang opisyal ng pamahalaan. Kunsabagay, dapat lang dahil pera ng bayan ang pinag-uusapan dito.

Gov. Suarez, ano po ang masasabi ninyo sa ulat ng COA, napakalaking halaga ang sinasabing nawawalang pondo… totoo ba ito? Siyempre, bilang ama ng lalawigan ay malaking paliwanagan ang gagawin ninyo dito — P102 milyon.

Hindi ko naman sinasabing may kinalaman kayo sa nawawalang pondo (ayon sa COA) pero bilang pinuno ng lalawigan, malaking pananagutan ninyo ito, kaya kailangan dito ay malinaw na palinawagan o patunayan na taliwas ang akusasyon. ‘Di ba Gov?

About Almar Danguilan

Check Also

Bulabugin ni Jerry Yap

Thank you JSY for being big time suki of Gardenera

ni Almar Danguilan KUNG isa-isahin ang mga kabutihan na naibahagi ni Boss Jerry sa akin …

AKSYON AGAD ni Almar Danguilan

Alyansa palakasin para sa Pag-asa Island/WPS — Eleazar

AKSYON AGADni Almar Danguilan MATAPOS magtanim ng bandera ng bansa sa Pag-asa Island sa kalagitnaan …

Bulabugin ni Jerry Yap

A heartfelt message for JSY

Before I start, I am speaking on behalf of my mom from her perspective, in …

Usaping Bayan ni Rev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD

Paalam pre…

USAPING BAYANni Rev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD. LABIS akong nabigla at nalungkot nang mabalitaan …

Bulabugin ni Jerry Yap

Memories with JSY

“LET us always find opportunities to be with the people we value the most. Life …

Leave a Reply